Naispatan sa karagatan ng Zambales CCG VESSEL PINADALHAN NG RADIO CHALLENGE NG PCG

INIHAYAG ng Philippine Coast Guard (PCG) na pinadalhan ng radio challenge ng BRP Teresa Magbanua ang barko ng China Coast Guard na namataan sa karagatan ng Zambales.

Sinabi ng PCG, ang barko ng CCG ay naispatan 70-80 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales at nagpakita ng “erratic movements”.

Bilang pagpapakita ng kanilang pangako sa pagprotekta sa maritime sovereignty ng bansa, pinadalhan ng radio challenge ng mga tripulante ng BRP Teresa Magbanua ang sasakyang pandagat ng China.

Ayon sa PCG, ito ay upang ipaalam na ito ay tumatakbo sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Nilinaw rin aniya ng mga tripulante ng PCG na ang CCG ay walang legal na awtoridad na magpatrolya sa loob ng EEZ ng Pilipinas at inutusan silang umalis kaagad.

Napansin ng PCG na ang CCG vessel 3103 ay pinalitan ng vessel 3304 bandang hapon.

Sa kabila nito, sinabi ng PCG na ang layunin ng Chinese deployment ay nanatiling katulad ng dati.

Nauna nang sinabi ng PCG na ang CCG vessel 5901, tinatawag na “monster ship”, ay umalis mula sa karagatan ng Zambales matapos itong maispatan sa lugar noong Enero 4. (JOCELYN DOMENDEN)

36

Related posts

Leave a Comment