72 KILOS NG DRIED MARIJUANA NASABAT NG BOC AT PDEA

NASABAT ng mga ahente ng Bureau of Customs at Philippine Drug Enforcement Agency-MICP ang 72 kilos ng high grade marijuana o kush, sa Manila International Container Port (MICP) sa Tondo, Manila

Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, isang joint interdiction operation ang inilunsad ng BOC, katuwang ang PDEA – MICP, na nagresulta sa pagkadiskubre sa suspected marijuana (kush).

Nabatid sa report na isinusumite ng PDEA Regional Office NCR, isinagawa ang anti-narcotics operation sa Designated Examination Area (DEA), Container Facility Station 3 (CFS3), sa Manila International Container Port (MICP), at dito nadiskubre ang 138 piraso ng heat-sealed transparent plastic bag na naglalaman ng pinatuyong dahon na pinaniniwalaang marijuana (kush) na tumitimbang ng humigit kumulang sa 72,178 gramo.

Mula ito sa isang abandonadong container, at tinatayang nagkakahalaga ng P101,049,200 ang nadiskubreng hinihinalang illegal substance na nakapaloob sa limang balikbayan boxes na nagmula sa Thailand.

Kasalukuyang inaalam ng PDEA ang shipper at receiver ng nasabing kontrabando.

“Once proven, appropriate charges will be filed in violation of RA 9165,” ani Director Emerson R. Rosales, Regional Director of PDEA – RO NCR.

Agad na dinala sa PDEA Laboratory Service ang nasabat na drug evidence para sa kaukulang laboratory examination habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa nasabing shipment.

“Importing illegal drugs into the country is prohibited and may face a penalty of life imprisonment and a fine ranging from five hundred thousand pesos to ten million pesos,” babala ni PDEA RO-NCR Director Emerson R. Rosales.

(JESSE KABEL RUIZ)

1

Related posts

Leave a Comment