ILANG kagamitang pandigma ang na-recover mula sa lokal na teroristang grupo nang makasagupa nila ang tropa ng 6th Infantry (Redskin) Battalion sa Brgy. Penditen, Datu Salibo, Maguindanao del Sur dakong alas-5:00 ng hapon noong Sabado.
Ayon kay Lt. Col. Al Victor C. Burkley, commanding officer ng 6IB, nagsasagawa ng regular combat patrol ang kanilang tropa nang maka-engkwentro ang armadong grupo.
Sa isinagawang clearing operation, nakarekober ang tropa ng militar ng isang M14 rifle, dalawang magazine, isang bandolier, dalawang caliber .45 pistol, at iba pang kagamitan.
May nakitang bakas ng dugo sa lugar, indikasyon na may nasugatang miyembro mula sa panig ng kalaban.
Sa direktiba nina Brig. Gen. Jose Vladimir Cagara, commander ng 1st Brigade Combat Team, at Brig. Gen. Edgar Catu, commander ng 601st Infantry Brigade, agaran nilang inilunsad ang pursuit operation laban sa teroristang grupo. Ang lahat ng patrol bases sa kanilang area of operations ay nakaalerto, at pinaigting ang intel monitoring at checkpoint operations.
Samantala, sinabi ni Major General Donald M. Gumiran, commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central (JTFC), ang ganitong resulta ng operasyon ay patunay ng determinasyon ng militar na tapusin ang presensya ng mga teroristang grupo sa rehiyon.
“Patuloy tayong magsasagawa ng focused military operations upang wakasan ang banta ng lokal na terorismo sa Central Mindanao. Ang ating mga tropa ay walang humpay na maglilingkod upang masiguro ang kaligtasan ng ating mga kababayan.”
Nananawagan din ang Division Commander sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang mas mapabilis ang mga operasyon laban sa natitirang mga elemento ng teroristang grupo.
(JESSE KABEL RUIZ)
