WALONG bayan at lungsod sa lalawigan ng Laguna ang nabatid na nagbebenta ng cosmetic products na may toxic mercury na lubhang may masamang idudulot sa balat ng tao.
Inalerto ng EcoWaste Coalition si Laguna Gov. Ramil Hernandez hinggil sa mga nilabag na batas sa pagbebenta ng cosmetic products na nagtataglay ng mercury na ginagamit na pampaganda ng mamamayan sa probinsya, upang maprotektahan ang mga ito gayundin ang kalikasan.
Sa liham na ipinadala ng zero waste advocacy group kay Hernandez, hinihiling nila na ipatigil o ihinto ang pagbebenta ng whitening products na natagpuan sa walong lugar sa Laguna.
Ayon sa coalition, sadyang mayroong mataas na kemikal na toxic mercury na ipinagbabawal, sa cosmetic products tulad ng skin lightening creams, lotions at sabon na nagpapaputi ng balat.
“This is a brazen violation of a globally-agreed phase-out by 2020 of cosmetics such as skin-whitening products with mercury content above one part per million under the Minamata Convention on Mercury,” ayon kay EcoWaste Coalition national coordinator Aileen Lucero.
Naalerto ang grupo makaraang sa isinagawang test-buy operations, nabatid na 22 mercury-laced skin whitening creams ang ibinebenta ng cosmetic dealers sa mga bayan ng Los Baños at Sta. Cruz gayundin sa mga lungsod ng Biñan, Cabuyao, Calamba, San Pablo, San Pedro at Sta. Rosa.
Sa isinagawang test-buy noong Mayo 20 at 21, nakuha ang 22 Gemli, Goree Goree, Jiaoli, Mifton at S’Zitang skin care products na ilegal na inaangkat mula sa bansang China at Pakistan at ibinebenta bilang pampaganda at herbal product sa mga tindahan sa halagang P100 hanggang P300.
Natuklasan ang mga ito sa pamamagitan ng portable Olympus Vanta M Series X-Ray Fluorescence (XRF) analyzer at nabatid na mayroong higit sa 1 ppm na limit sa lahat ng 22 sampol.
Mayroong pinakamataas na mercury content ang produktong 13 Goree na may 26,340 hanggang 29,370 ppm.
Sinabi ng World Health Organization, ang mercury na ginagamit sa cosmetics ay may adverse effect sa balat tulad ng skin rashes, discoloration at scarring, nakakapag-alis ng panlaban sa balat sa mga mikrobyo at iba pang sakit sa balat. (CYRILL QUILO)
