WALONG madre ng Congregation of the Religious of the Virgin Mary (RVM) ang namatay matapos na magpositibo ang mga ito sa COVID-19.
Sa panayam sa RVM ng Radyo Veritas, ang mga namatay na madre ay pawang nasa 80 hanggang 90-anyos ang edad. Ang mga ito ay kasama sa 62 madre na nagpositibo sa virus mula sa Saint Joseph Home, kumbento ng RVM Sisters sa Quezon City.
Ayon kay RVM Sister Ma. Anicia Co, tagapagsalita ng kongregasyon, bukod sa mga madre ay kabilang din sa mga nagpositibo sa COVID-19 ang 52 personnel ng kumbento.
“The personnel are still young, so they are on the road to recovery. Some Sisters are moving from symptomatic to asymptomatic. Eight of the Sisters, aged 90s and 80s, afflicted with COVID returned home to our heavenly Father,” bahagi ng pahayag ni Sister Co sa panayam.
Samantala, 12 ang namatay sa COVID-19 sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area batay sa pinakahuling ulat ng health offices ng nasabing mga lungsod.
Ayon sa ulat, lima ang namatay sa Valenzuela City at 1,314 ang active cases makaraang 163 ang nagpositibo sa virus at 230 naman ang maitalang gumaling noong Setyembre 21.
Pumalo na sa 31,698 ang tinamaan ng COVID sa lungsod, at sa naturang bilang ay 29,690 na ang gumaling at 694 ang namatay.
Apat naman ang namatay sa Malabon City at 58 ang nadagdag na confirmed cases noong Setyembre 21. Sa kabuuan ay 19,810 ang positive cases sa lungsod, 757 dito ang active cases. Habang 36 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at umabot na sa 18,446 ang recovered patients ng siyudad, at 607 ang COVID casualties.
Tatlong pasyenteng may COVID naman ang binawian ng buhay sa Navotas at 1,256 ang active case hanggang 11:59 pm noong Setyembre 20 makaraang 170 ang nakarekober at 80 naman ang nahawaan.
Sumampa na sa 16,806 ang nasapul ng pandemya sa fishing capital, at dito ay 15,050 na ang gumaling at 500 ang namatay. (LILY REYES/ALAIN AJERO)
