PUMALO na sa walo ang kumpirmadong namatay sa Pilipinas dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y kasunod ng pagkamatay ng isang pasyente mula sa Lanao del Sur na wala umanong history ng pagbiyahe.
Sa isang kalatas, sinabi ng Department of Health (DOH) na ang pasyente, ang ika-40 na kaso sa bansa, ay namatay noong Marso 13 dahil sa acute respiratory distress syndrome mula sa “severe pneumonia” na may acute kidney injury.
Na-confine ang pasyente sa Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro mula pa noong Marso nang magsimulang magpamalas ng mga sintomas noong Pebrero 24.
Sinabi ng DOH na ang PH40 (patient 40) ay isang 54-year-old na lalaki na may COVID-19 affliction na nakumpirma noong March 11, o dalawang araw bago siya namatay.
Siya ang unang coronavirus fatality na naitala sa labas ng Metro Manila. KIKO CUETO
220 