NAGLUNSAD ng joint maritime exercises ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa West Philippines Sea.
Ito ang ibinahagi kahapon ni Phil. Coast Guard Spokesperson Commodore Armand Balilo, kaugnay sa aktibidad na sinalihan ng walong barko ng pamahalaan na nagsimula nuong Sabado.
Ayon kay Comm. Balilo, ang maritime exercises sa pangunguna ng Task Force Pagsasanay ay target na makamit ang operational at logistical efficiency kung paano ma-utilize nang husto ang manpower at assets ng PCG.
Paliwanag pa ng tagapagsalita: “We are supporting the whole-of-nation approach in securing our maritime jurisdiction, especially the efforts of the National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) to undertake maritime security, maritime safety, maritime law enforcement, maritime search and rescue, and marine environmental protection roles in our country’s waters.”
Nabatid na nagsagawa rin ng maritime exercises sa Batanes Group of Islands, Benham Rise, gayundin sa southern at eastern portions ng bansa ang PCG na may kaugnayan sa navigation, small boat operations, maintenance, at logistical operations.
Sakay ng mga barko ng PCG ang mga tauhan nito na kinabibilangan ng mga abogado, doctor, nurse, rescue swimmers, weapons, communications, information systems technicians, at iba pang maritime specialists na sumailalim din sa lectures at drills na may kaugnayan sa manual plotting, piloting, firefighting, at basic life support.
Ang mga barko ng PCG na BRP Gabriela Silang at BRP Sindangan ay nagsimula sa kanilang maritime training malapit sa Bajo De Masinloc habang ang BRP Cabra, BRP Malapascua at mga barko ng BFAR ay noong nakalipas na linggo malapit sa Pagasa Island.
Nauna nang ipinag-utos ni Coast Guard Commandant Admiral George Ursabia Jr. ang pag-activate ng Task Force Pagsasanay sa pamumuno ni Vice Admiral Oscar Endona, commander ng Maritime Security Command ng PCG.
Bukod sa nasabing pagsasanay ay magsasagawa rin ng humanitarian mission ang mga tauhan ng PCG sa pamamagitan ng free medical at dental service sa mga residente ng Pag-asa Island sa susunod na linggo. (JESSE KABEL)
