8 PNP OFFICIALS, SIBAK SA KATIWALIAN

WALONG opisyal ng Philippine National Police (PNP), kabilang ang isang colonel, ang tinanggal ng National Police Commission (Napolcom) sa serbisyo dahil sa ginawang mga katiwalian sa pambansang pulisya.

Bukod sa colonel, ang iba pang sinibak ay apat na lieutenant colonel ang ranggo, isang major at dalawang kapitan dahil sa iba’t ibang paglabag sa batas.

Hindi inilabas ni Napolcom Vice-Chairman Vitaliano Aguirre II ang pagkakakinlanlan ng colonel dahil kailangan pa ng pinal na desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtanggal sa nasabing mataas na opisyal.

Naitalaga na ang colonel sa iba’t ibang yunit ng PNP, kabilang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Bukod sa walong nasibak, 18 opisyal ang ibinaba ng ranggo, 10 ang suspendido ng dalawampung araw hanggang anim na buwan, at tatlo ang pinagalitan dahil sa kinaharap nilang administratibong kaso.

Inilinaw ni Aguirre na maaaring umapela o gumawa ng anumang hakbang ang mga naparusahang pulis, alinsunod sa karapatang itinakda ng mga batas ng bansa.

Ang desisyon ng Napolcom ay bahagi ng patuloy na paglilinis nito sa PNP mula sa mga pulis na hindi karapat-dapat na manatili sa serbisyo at sa mga kailangang parusahan habang kasapi ng pambansang pulisya.

Nitong 2020, 177 pulis ang tinanggal ng Napolcom sa PNP. (NELSON S. BADILLA)

194

Related posts

Leave a Comment