NAGBABALA si Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes sa mga senior citizen sa bansa ukol sa pagkalat sa social media ng maling impormasyon ukol sa pamamahagi ng universal pension.
“Fake news po ang kumakalat na makakatanggap na ng P1,000 monthly universal pension na para daw po sa lahat ng senior citizens,” ani Ordanes.
Nilinaw niya na sa ngayon, tanging ang may pensyon ay ang mga kwalipikado sa Social Pension for Indigent Senior Citizens program na pinangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at hindi pa nailipat sa National Commission for Senior Citizens (NCSC).
Diin pa ni Ordanes, hindi rin totoo ang kumakalat na kapag nagparehistro ay awtomatikong may pensyon.
“Ang online registration ay unang hakbang pa lang sa pag-verify kung kwalipikado ka. Hindi po ito garantiya na agad kang makakatanggap ng social pension,” paglilinaw ng mambabatas.
Kasabay nito, hinikayat ng namumuno sa House committee on Senior Citizens ang mga nasa edad 60 pataas na magparehistro sa website ng NCSC para sa pagbuo ng maayos na database ng senior citizens sa bansa.
Aniya, maaaring magpatulong sa Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) sa pagpaparehistro partikular na ang walang smartphone.
“Huwag maniwala sa mga tao na nanlilito lalo na sa mga nagbibigay ng maling pagasa sa minamahal nating mga lolo at lola,” apela pa ni Ordanes.
