8 PULIS SINIBAK SA PAGKAMATAY NG DETAINEE

SINIBAK sa pwesto ang walong opisyal ng pulisya sa PNP-Police Regional Office Bicol kaugnay ng pagkamatay ng isang Person Under Police Custody sa Del Gallego, Camarines Sur noong Pebrero 6.

Ayon kay PNP Public Information Office chief, BGen. Randulf Tuaño, kabilang sa mga inalis sa pwesto ang Provincial Director ng Camarines Sur Police Provincial Office at Catanduanes Police Provincial Office, gayundin ang hepe ng Del Gallego Municipal Police Station.

Ayon kay Tuaño, ito’y bunsod ng late reporting sa insidente ng pagkamatay ng isang arrested suspect sa kamay ng apat nilang tauhan matapos umanong magtangkang tumakas.

Umabot umano sa 12-oras bago naipaabot ang ulat sa kanilang Regional Office. Damay sa sibakan ang hepe ng Police Regional Office Bicol Region Investigation and Detective Management Division, gayundin ang chief investigator and investigator-on-case ng Del Gallego Municipal Police Station sa Camarines Sur; at warrant section chief ng San Miguel Municipal Police Station sa Catanduanes.

Posible umanong maibalik sila sa kanilang mga puwesto sakaling mapatunayang wala silang pagkukulang sa insidente. “They were relieved. The administrative liability that the regional office sees is their late reporting of the said incident, the report of which took nearly 12 hours before it reached the regional headquarters,” ani Tuaño.

Una nang inutos ni Philippine National Police (PNP) chief, P/Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang patas at walang kinikilingang imbestigasyon sa pamamaril ng apat na pulis sa isang suspek sa Del Gallego, Camarines Sur.

Agad na inilagay sa preventive suspension ang mga sangkot na pulis – isang corporal at tatlong patrolman – upang matiyak ang integridad ng imbestigasyon at maiwasan ang anomang impluwensiya o pakikialam.

Susuriin sa imbestigasyon kung nasunod ng mga pulis ang umiiral na protocol sa paggamit ng puwersa.

Batay sa inisyal na ulat, inihahatid ng mga pulis pabalik ng Catanduanes ang suspek sa pamamaslang at isa pang suspek sa panghahalay noong Pebrero 6 matapos maaresto sa Pasig City.

Huminto sila sa kahabaan ng Rolando Andaya Highway sa Del Gallego upang gumamit ng palikuran.

Ayon sa ulat, inatake ng suspek ang isang pulis at inagaw ang baril nito nang tanggalan ito ng posas para magbanyo.

Gayunman, hindi ito pumutok dahil walang bala sa chamber. Tumakas ang suspek patungo sa kalapit na kagubatan at hinabol ng mga pulis na nauwi sa palitan ng putok na ikinasawi ng suspek matapos tamaan ng bala sa ulo, dibdib at balikat.

(JESSE RUIZ)

2

Related posts

Leave a Comment