NADISKUBRE ng Philippine National Police na umabot sa walong libong undocumented firearms o mga baril na walang kaukulang dokumento o paso ang mga lisensya, ang hawak ng ilang mga politiko sa bansa.
Ayon kay Philippine National Police-Civil Security Group (PNP-CSG) Director PBGen. Benjamin Silo, ang walong libong undocumented guns ay kumakatawan sa 27 porsyento ng humigit kumulang 30,000 registered firearms ng elected officials mula mambabatas hanggang barangay officials.
“What we did in CSG, we made an extra special effort to encourage these people, elected officials, to renew their expired licenses. Elected official ‘yan from the national up to barangay. Our safe estimate is siguro mga 50 percent diyan are from barangay officials,” ani Silo.
Habang puspusan ang kampanya ng PNP kontra loose firearms ay hinihikayat ng PNP – Civil Security Group (CSG) ang mga politikong may pasong lisensya ng baril, na mag-renew na.
Batay sa datos ng PNP-CSG, sa 30,068 registered firearms ng elected official, 8,313 dito ay expired na ang lisensiya ng baril.
Nasa 50 porsyento mula sa nasabing bilang ang pagmamay-ari umano ng mga barangay official, ayon kay PNP-CSG Director PBGen. Benjamin Silo Jr.
Pinakamarami ito sa Region 4A at sinundan naman ng Metro Manila at Region 3 o Central Luzon.
(JESSE KABEL RUIZ)
