Hindi lang basta ordinaryong kwento ng tagumpay ang pag-angat ng posiyon ng mga kababaihan sa kumpanya—patunay ito ng malaking pagbabago sa nakagawiang kultura sa trabaho, lalo na sa mga industriyang dati ay pinangungunahan lamang ng mga lalaki. Senyales ito na papunta na sa mas inklusibong kultura, kung saan mas marami pang pagkakataon para maisulong ang pagkakapantay-pantay.
Ayon sa 2025 World Energy Employment Report ng International Energy Agency (IEA), kapansin-pansing kakaunti pa rin ang mga babae sa global energy workforce, na nasa 20% lang halos ng kabuuan populasyon.
Kaya naman, bilang bahagi ng pangakong nitong isulong ang pagkakapantay-pantay at inklusibong komunidad, patuloy ang pagsuporta ng Manila Electric Company (Meralco) sa ilalim ng pamumuno ni Manuel V. Pangilinan sa mga kababaihan sa kumpanya.
Ngayong ipinagdiriwang ang Buwan ng mga Kababaihan, kinikilala ng pinakamalaking power distributor sa bansa ang kontribusyon ng mga babaeng empleyado. Hindi lang ito dahil sa simpleng presensya nila, kundi dahil sa pagpapatunay na ang mga kabilang ang mga kababaihan sa mamumuno at huhuhubog sa kinabukasan ng kumpanya.
Pamumuno at Pangangalaga
Isa si Joy P. Mendoza sa mga babaeng-lider ng Meralco na pumasok bilang isang branch representative, at ngayon, siya na ang Vice President at Head ng Home and MicroBiz – Central Business Area.
Nagsimula ang kanyang kwento sa Meralco sa Valenzuela 24 na taon na ang nakakaraan. Dito siya unti-unting umakyat sa industriya—mula sa pag-aasikaso ng mga service application hanggang sa pag-resolba ng mga reklamo ng negosyante. Para kay Joy, ang mga karanasang ito ang humubog sa kanya para maging isang maasahang lider.
Para sa kanya, ang matulungan nang maayos ang mga customer ang isa sa pinakamasayang bahagi ng kanyang trabaho.
“Sa 24 years ko rito sa kumpanya, pinaka-fulfilling para sa akin ay ang pagsilbihan ang mga customer, makita ko lamang silang nakangiti at marinig ang katagang ‘salamat,’ ay nagbibigay sa akin ng ibang klaseng saya,” aniya, habang inaalala ang mga magagandang karanasan niya sa iba’t ibang uri ng mga customer.
Pagdating naman sa pamumuno, situational leadership ang istilo ni Joy. Ibinabagay niya ang kanyang approach depende sa pangangailangan ng kanyang grupo.
“Ang pamumuno ay hindi nangangailangan ng perpektong sitwasyon, at hindi lang ito nagtatapos sa loob ng apat na sulok ng opisina. Pwede rin itong mangyari sa bahay. Lumalago ang leadership sa gitna ng mga pagsubok, sa pagtupad ng mga responsibilidad, at sa pagharap sa iba’t ibang klase ng pagsubok,” dagdag pa niya.
Para naman sa mga kabataang babae na nangangarap ding maging isang lider balang araw, payo ni Joy: “Huwag lang kayong mangarap ng tagumpay; sikapin niyo ring maging boses ng iba, mag-angat ng kapwa, at magbigay ng oportunidad para sa iba. Bumuo kayo ng mga bagong lider na sasabay sa inyo—hindi sa harap niyo, hindi sa likod niyo, kundi sa tabi niyo, sa kanan man o sa kaliwa.”
Binigyang-diin din niya na, “Ang empowerment ay hindi lang tungkol sa pag-abot sa tuktok ng tagumpay; tungkol ito sa pagsisiguro na mas maraming tao—hindi lang mga babae—ang kasabay mong umaangat.” Sa ganitong pananaw, ang tagumpay ng isa ay nagiging tagumpay ng lahat na tunay namagdudulot ng pag-unlad ng komunidad.
Tagapaghatid ng Liwanag
Isa pang halibawa at ehemplo ng empowered woman sa Meralco ay si Janice Enriquez. Literal at piguratibong inakyat ni Janice ang hagdan ng tagumpay—mula sa pagiging linewoman noong 2014, siya na ngayon ang Administrative Head ng Dasmariñas sector.
Ipinagmamalaki ni Janice na naging bahagi siya ng unang batch ng professional female linecrew ng Meralco. Hindi biro ang pinagdaanan niya: ilang buwan na puro pukpukang pagsasanay, pag-akyat sa mga 60-talampakan na poste, at pagbuhat ng mga mabibigat na gamit. Noong una, nag-aalinlangan pa siyang mag-apply, pero tinatak niya sa isip niya, “Kung kaya ng mga lalaki, kaya rin naming mga babae.” Dahil dito, naging isa siya sa mga pioneer na babaeng linecrew ng kumpanya.
Pitong taon na ang nakakaraan, nang hagupitin ng malakas na bagyo ang Cavite at nawalan ng kuryente ang maraming lugar, isa si Janice sa mga itinalaga na ibalik ang serbisyo ng kuryente sa apektadong lugar. Sa gitna ng malakas na hangin at ulan, dagdag pa ang mga buhat na madudulas na kagamitan, hindi tumigil ang kanyang grupo hangga’t hindi naibabalik ang liwanag sa mga apektadong residente. Sabi niya, ang makita ang ngiti ng mga tao noong bumalik na ang serbisyo ng kuryente ang pinaka-fulfilling na moment para sa kanya.
“Kapag bumabagyo, sa mga liblib na lugar na di na madaanan, bitbit namin yung mga poste at lahat ng gamit para lang maibalik yung ilaw ng mga residente. Iba yung sense of fulfillment na naramdaman ko noon kasi isa ako sa nagbalik ng liwanag sa kanilang mga tahanan,” kwento niya.
Kahit mahirap ang pagiging linewoman, laking pasasalamat ni Janice sa pundasyong ibinigay ng Meralco. “Malaki ang pasasalamat ko sa Meralco kasi hindi nila kami pinapabayaan, pati ang pamilya ko. Malaki ang utang na loob ko sa kumpanyang ito,” dagdag pa niya.
Para sa susunod na henerasyon ng mga kababaihan, ito ang kanyang payo: “Hindi lahat ng magagaling ay umaangat, pero lahat ng matatag ay nakaka-survive.” Dagdag pa nito na noong una ay nagkaroon siya ng pagaalinlangan, ngunit ito ay isinantabi niya. “Akala ko noong una hindi ko kakayanin, pero sa tulong ng mga kasamahan ko sa trabaho at pamilya ko, nakatayo pa rin ako ngayon bilang babae na kinayang gawin ang mga trabahong panlalaki,” aniya.
Patunay ang kwento nina Joy at Janice na walang pinipiling kasarian ang determinasyon at pangarap. Pinapakita ng kanilang storya ng tagumpay na kapag nagbibigay ng tunay na suporta ang isang kumpanya, nabibigyan ng oportunidad ang mga babae na umangat at maging mas matagumpay sa pinili nilang larangan.
Higit pa sa paghahatid ng maasahang serbisyo ng kuryente ang adhikain ng Meralco. Sa pamamagitan ng diversity at inclusion program na #Mbrace, patuloy nitong isinusulong ang gender equality. Layon nitong umabot sa 40% ang bilang ng mga kababaihan sa kanilang workforce pagdating ng 2030.
Sina Joy, Janice, at ang marami pang kababaihan sa kumpanya ang nagpapaalala sa iba na kapag matatag at buo ang suporta sa kanila, walang limitasyon kung gaano kataas ang kayang marating ng isang babae.
120 

