(NI LYSSA VILLAROMAN)
NASA 89 bilanggo ng New Bilibid Prisons (NBP) ang nagtapos ng iba’t-ibang kurso sa comprehensive school program ng University of Perpetual Help (UPH) sa kabila ng kanilang pagkakapiit sa naturang pambansang kulungan sa Muntinlupa City.
Pinangunahan ni Bureau of Corrections (BuCor) director Nicanor Faeldon na naging panauhing pandangal sa ika-30 taong programa ng University of Perpetual Help-Bilibid Extension School, sa pamumuno ni UPH CEO at board chairman Dr. Brigadier General Antonio “Tony” Tamayo, na isinagawa sa Medium Security Compound ng Camp Sampaguita, Muntinlupa City.
Sa kabuuang bilang ng mga nagtapos, 25 sa mga ito ang nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Entrepreneurship, 42 ang nakakuha ng diploma sa kursong Computer Hardware Servicing samantalang 22 naman ang nakapagtapos ng Senior High School.
Ilan sa mga nagtapos na preso ay makatatanggap ng gintong medalya ng Academic Excellence Award para sa Bachelor of Science in Entrepreneurship at Dr. Antonio Laperal Tamayo Gold Medallion bilang Leadership Award.
Ayon sa mga inmates na nakapagtapos ng kanilang pag-aaral, maituturing nila itong isang biyaya ng Panginoon na sa kabila kanilang pagkakakulong sa NBP ay nabigyan pa rin sila ng pagkakataon na magbagong buhay dahil sa kanilang mga natutunan na maari na nilang gamitin sa kanilang pagbabagong buhay sa panahon ng kanilang paglaya.
Isang hindi dapat palampasing pagkakataon na magbibigay ng pag-asa sa mga inmates ang naturang programa ng NBP at UPH kung saan umabot na sa 564 na preso ang nakapagtapos ng ibat-ibang kurso mula nang itatag noong 1985.
Ang Bilibid Extension School ay isang comprehensive program ng University of Perpetual University upang makatulong sa rehabilitasyon ng mga preso sa NBP.
373