SIYAM na katao sa Batangas ang nawala noong 2021, batay sa inilabas na tala ng Lipa City Police.
Ang mga nawawala na nakaalarma sa iba’t ibang police station ng lalawigan, ay mula sa Lipa City, Batangas City, Tanauan City at bayan ng Sta. Teresita, na pawang nawala sa Lipa City at hanggang ngayon ay wala pang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga ito.
Pinakauna sa talaan ay ang magkasabay na pagkawala nina Bryan Arthur Cuenca, 41, taga Barangay 10, Lipa City na nadiskubreng nawala noong Mayo 30, 2021, kasama si Limuel Pantua, taga Barangay Bolbok, Lipa City.
Magkasunod namang nawala sina Jerome Mark Balaye, 26, water refilling station driver, residente ng Brgy. Pacifico, Sta. Teresita, Batangas na nawala noong Hunyo 15, 2021, at ang barangay kagawad na si Joel Guevarra ng Brgy. Antipolo Del Sur, Lipa City na nawala naman noong Hunyo 16, 2021.
Nawala naman noong Hulyo 11, 2021 si Roderick Villaluna, isang poultry helper mula sa Mindoro, at residente ng EDC Poultry Farm sa Brgy. Rizal, Lipa City.
Noong Hulyo 14, 2021 naman nang mawala rin sa Lipa City ang 27-anyos na construction worker na si Jymer John Paul Andal, taga Sta. Teresita, Batangas.
Noon namang Hulyo 18, 2021 nang maiulat na nawawala ang tricycle driver na si Hector Caraos na taga Mataas na Lupa, Lipa City.
Isa namang 29-anyos na call center agent na babae na kinilalang si Charito Galang ang iniulat na nawawala noong Nobyembre 18, 2021.
Pinakahuling iniulat na nawawala noong 2021 ang 24-anyos na automotive technician na si Jun-jun Purio, residente ng Brgy. Balagtas, Batangas City na nawala noong Disyembre 3, 2021.
Hindi naman tinukoy sa report ng Lipa City Police kung ano ang mga huling aktibidad ng nasabing missing persons bago sila nawala.
Gayunpaman, patuloy na nanawagan ang Lipa City Police na ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang ano mang impormasyon hinggil mga biktima. (NILOU DEL CARMEN)
