9 KOREANS INARESTO SA ILLEGAL ONLINE GAMBLING ACTIVITIES

SIYAM na Koreano ang inaresto sa Cebu City dahil sa umano’y illegal online gambling operation at illegal detention sa isang empleyado, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong nakalipas na linggo.

Ayon sa ulat ng PNP, ang lima sa mga suspek ay mayroong INTERPOL Red Notices, isang pandaigdigang alerto na inisyu sa mga nagpapatupad ng batas sa buong mundo.

Nabatid na nagre-request ang International Police na hanapin at pansamantalang arestuhin ang tao o mga tao na pinaghahanap ng isang miyembrong bansa o isang internasyonal na tribunal.

“The apprehension of these nine foreign nationals—five with INTERPOL Red Notices—sends a clear message that no one, whether local or foreign, is above the law. This case highlights the value of intelligence-driven operations and strong community cooperation,” ayon sa PNP.

Nabatid na natunton ang mga suspek nang trabahuin sila ng mga awtoridad kasunod ng paghahain ng kaso ng isang empleyado noon pang Agosto 8.

Sumbong ng empleyado, siya ay ilegal na ikinulong ng mga suspek habang ang kanyang suweldo ay pinigil ng halos dalawang buwan.

Bineberipika ng Regional Special Project Unit (RSPU) ng PNP sa Central Visayas ang ulat, na humantong sa ikinasang law enforcement operation base sa hawak nilang mga warrant na inisyu ni Regional Trial Court, Branch 7 Presiding Judge James Stewart Ramon E. Himaloan noong Setyembre 23, 2025.

Sinabi ng PNP na ang ilan sa mga suspek ay hindi pinayagan ng korte na makapaglagak ng piyansa, habang ang iba naman ay nakalaya matapos na magbayad ng tig-P120,000 bail bond.

Isang hiwalay na reklamo ang isinampa laban sa mga suspek noong Huwebes, Oktubre 2, dahil sa paglabag sa Presidential Decree 1602 kaugnay ng Republic Act 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012, na binanggit ang kanilang umano’y ilegal na online gambling activities.

“Citizens reporting suspicious activities serve as the frontline in our fight against crime. We will continue to act decisively to safeguard public safety, uphold justice, and ensure the Philippines remains a secure nation for all,” ayon kay PNP acting chief, Lt. General Melencio Nartatez.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng RSPU 7 ang limang suspek habang ang natitirang apat ay nakakulong sa Cebu City Police Custodial Facility habang inihahanda ang mga kailangang dokumento para sa legal na paglilitis.

(JESSE RUIZ)

13

Related posts

Leave a Comment