SIYAM na mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at siyam na person deprived of liberty (PDL) ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kinumpirma ito ni BJMP spokesman Jail Chief Inspector Xavier Solda na aniya ay patuloy ang isinasagawang contact tracing upang matukoy ang mga indibidwal na nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus.
“We are doing an extensive contact tracing. We have a team assigned to it,” ani Solda.
Noong Marso 25, inihayag ng BJMP na may isang preso sa Quezon City Jail ang namatay dahil sa hinihinalang COVID-19.
Ngunit ayon kay Solda, ang COVID-19 suspect ay hindi umano nakasalamuha ng siyam na detenidong nagpositibo sa virus.
Kasalukuyang nasa isang quarantine facility sa Barangay Payatas ang mga infected na PDL habang naka-home quarantine naman ang mga empleyado ng BJMP na COVID-19 positive.
“Hindi naman severe ‘yung symptoms nila. Nandoon pa rin yung common symptoms na sore throat, may mga ubo pa rin sa kanila. They were advised na mag-home quarantine muna,” dagdag nito.
May ilang grupo na rin ang umaapela nang pansamantalang pagpapalaya sa mga bilanggo na vulnerable sa COVID-19 tulad ng mga senior citizen at may sakit dahil sa siksikang sitwasyon at kawalan ng sanitasyon sa maraming detention facility sa bansa. (JG TUMBADO)
373 