NASAGIP ng Philippine Navy sa ilalim ng Western Mindanao Command, ang 90 pasahero ng sinaklolohang isang passenger motor launch malapit sa Languyan sa lalawigan ng Tawi-tawi noong Sabado ng gabi.
Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Jose Ma. Ambrosio Q. Ezpeleta, nirespondehan ng mga tauhan ng BRP General Mariano Alvarez (PS176) ang 90 kataong sakay ng bangkang de-motor na M/L Len-Lyn na nagkaaberya sa laot sakop ng bayan ng Languyan.
Ayon kay Capt. Hilarion Cecista, acting commander ng Western Mindanao Naval Command, ang bangka na M/L Len-Lyn ay galing sa bayan ng Pangutaran sa Sulu at patungo sa Sibutu, Tawi-Tawi nang biglang magkaaberya ang makina nito.
Dakong ala-1:30 ng hapon nang makatanggap ng distress call sa pamamagitan ng Viber mula sa isa sa mga pasahero, na nagsabing sila ay palutang-lutang sa layong 3.4 nautical miles hilaga ng Tumbagaan Island.
Makaraang matanggap ang distress call, nagsasagawa ng routine maritime security operation ang PS176 sa lugar.
“Agad nagtungo ang BRP General Mariano Alvarez sa pinakahuling plotted location ng bangka at natagpuan ito malapit sa Languyan Island,” ng sumaklolo patrol ship.
Habang tuloy-tuloy na nakipag-ugnayan ang crew ng PS176 sa Naval Task Force 61 para ma-locate agad ang coordinate ng stranded vessel.
Mabilis na hinila ng barko ng Navy ang M/L Len-Lyn patungong Chinese Pier sa Bongao, Tawi-Tawi upang masigurong ligtas ang mga pasahero.
“All personnel involved in the operation are safe and accounted for,” ayon sa ulat.
(JESSE KABEL RUIZ)
