PALASYO DUMEPENSA SA ‘PAGDEDMA’ NI PBBM SA MGA UMUUWING OFW

IDINEPENSA ng Malacañang ang hindi pagpunta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Ninoy Aquino International Airport upang salubungin ang mga Pilipinong umuwi mula sa Gitnang Silangan dahil sa patuloy na tensyon sa rehiyon.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang mga opisyal ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na asikasuhin ang mga dumating na overseas Filipino workers.

“Nandiyan po ang DMW at OWWA na siyang inutusan ng Pangulo na mag-asikaso at tumulong sa ating mga kababayan,” ani Castro.

Ipinaliwanag din niya na may iba pang mahalagang tungkulin ang Pangulo, kabilang ang paghahanda ng mga karagdagang programa ng gobyerno para matulungan ang mga Pilipinong apektado ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.

“Ayusin ang mga karagdagang programa at tulong sa ating mga kababayan para maibsan ang impact sa ating bansa ng mga nangyayari sa Middle East,” dagdag pa niya.

Dumating sa Maynila noong Sabado ang isa pang batch ng mga Pilipinong mula sa Gitnang Silangan sakay ng Philippine Airlines flight PR8502.

Ayon naman kay PCO Secretary Dave Gomez, nakaantabay ang mga awtoridad at support teams sa paliparan upang tulungan ang mga repatriate at matiyak na makauuwi sila sa kani-kanilang probinsya.

Ito na ang ikalawang batch ng mga repatriate mula sa Gitnang Silangan matapos ang unang flight na dumating noong Marso 5 na may sakay na mga Pilipinong mula sa Dubai.

(CHRISTIAN DALE)

59

Related posts

Leave a Comment