KUNG ngayon ay naghihingalo ang industriya ng bigas sa bansa, matutuluyan na ito sa plano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na huwag nang pagbayarin ng taripa ang rice importers.
Ganito inilarawan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, ang panukala ng Department of Finance (DOF) na huwag nang singilin ng 35 percent na taripa ang rice importers upang bumaba ang presyo ng bigas sa bansa.
“Itong panukala ang tuluyan nang papatay sa local rice industry. Lalong mababaon ang rice farmers kung tatanggalin ang taripa sa bigas, lalo na ngayong papasok na ang harvest season,” pahayag ng mambabatas.
Ipinaliwanag nito na mula nang ipatupad ang Rice Liberalization Law noong 2019 ay nalugmok na ang mga magsasaka dahil sa maluwag na pagpasok ng mga imported na bigas lalo na’t hindi sapat ang tulong ng gobyerno sa mga ito.
Tanging ang malalaking rice importers ang nakinabang aniya sa nasabing batas dahil nakapagpasok sila ng imported rice na walang limitasyon.
“Ang isa sa mga solusyon sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng bigas ay ang pagbabasura sa Rice Liberalization Law at ibalik ang mandato ng National Food Authority na direktang mamili ng signipikanteng volume ng palay mula sa mga magsasaka. Kailangan pakinggan ng gobyerno ang mga magsasaka at palakasin ang lokal na produksyon,” ani Brosas at hindi ang libreng taripa sa mga imported na bigas.
Kasabay nito, sinopla ni Brosas ang pahayag ni Sen. Imee Marcos na babangon ang kanyang amang si namayapang Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at muling magdedeklara ng martial law dahil sa sitwasyon ng bigas sa bansa.
Ipinaalala ng kongresista sa senador na hindi solusyon ang martial law para maresolba ang kakulangan ng supply at mataas na presyo ng bigas ngayon sa bansa dahil noong panahon ng kanyang ama, pumalpak ang kanyang Masagana 99.
“Sen. Marcos statement is offensive to the thousands of Filipinos who were imprisoned, tortured, and killed during her father’s bloody Martial Law. Walang nakakatawa sa pagbabalik tanaw sa isa sa pinakamadugo at marahas na yugto sa kasaysayan ng ating bansa,” dagdag pa ni Brosas.
(BERNARD TAGUINOD)
262