ITO ang ibinahaging ulat kahapon ng Philippine Drug Enforcement Agency kasunod ng inilunsad na “Greyhound Operation” sa loob ng Manila City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PDEA Director General Moro Vergilio Lazo, nagkasa ng “Greyhound Operation” sa loob ng Manila City Jail Annex sa pangunguna ng mga operatiba ng PDEA Regional Office – National Capital Region K9 Unit, at PDEA RO NCR Seaport Interdiction Unit, katuwang ang mga tauhan ng BJMP Manila City Jail Annex, na nagresulta sa pagkakasamsam ng 11 gramo ng umano’y shabu at pinatuyong dahon ng marijuana.
Isang inmate ang nakuhanan ng 49 sachets ng shabu na tinatayang nasa sampung gramo, at limang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana at mga paraphernalia.
Ayon pa sa mga operatiba, nadiskubre nila ang nakatagong droga sa suot na tsinelas ng isang preso na miyembro ng Commando Gang, nang mapuna nilang may tahi ang tsinelas nito.
Sa pagpapatuloy ng pagrerekisa ay nakakita pa sila ng walong maliliit na sachet na shabu na tinatayang nasa isang gramo ang timbang, na itinapon sa basurahan,
Ayon kay Arvin Targa ng PDEA-NCR, “Pangatlong beses na po nakulong ‘yung PDL. Unang kaso po, possession of dangerous drugs, 2nd po robbery, and 3rd po illegal possession of firearm. Dadagdag po dito ‘yung drug case na i-file po natin kaugnay sa paglabag sa Article II ng RA 9165 ng nasabing Commando Gang member”.
(JESSE KABEL RUIZ)
335