HIGIT P27-B GINASTA SA PROYEKTONG PURO ABERYA

EDITORIAL

NASA 81 milyong Pilipino na ang nagparehistro sa PhilSystem, ngunit 39.7 milyon pa lamang ang nakatanggap na ng kanilang physical identification cards habang nasa 41.2 milyon naman ang naisyuhan ng ePhilID na naimprenta sa papel o digital version ng PhilSys cards.

Ayon kay PSA head Claire Dennis Mapa, aabutin pa ng hanggang Setyembre 2024 bago makumpleto ng PSA ang paghahatid ng physical national ID cards sa mga Pinoy na nagparehistro sa PhilSys.

Dahil dito, nag-aalala ang ilang mambabatas sa pagkaantala ng paggawa ng card at ang hindi pagkilala ng ibang negosyo sa ePhilIDs bilang opisyal na official identification cards, na may posibilidad para sa scam gamit ang fake IDs.

Sa isang pagdinig ng Senate Committee on Finance nitong Lunes, iminungkahi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na ihinto na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pag-imprenta ng national ID at gawin na lang itong digital dahil lahat naman aniya ng mga Pilipino ay may cellphone.

Makatitipid pa aniya ng pera ang gobyerno kung gagawin ito.

Sagot ni Mapa, hindi lahat ng Pilipino ay may smartphones.

Dapat hintayin na lang ng mambabatas ang isang taon na bubunuin sa paghahatid ng physical national ID. Tiniyak naman ng PSA sa publiko na makukumpleto nila ang pamamahagi ng physical Philippine Identification System (PhilSys) cards para sa 92 million Filipinos sa susunod na taon.

Hindi nga lahat ng Pinoy ay may smartphone, at ang iba ay gumagamit pa rin ng lumang bersyon ng cellphone.

Pagtitipid ang nasa isip ni Bato, hindi ba niya alam na may inilaan nang higit 27 bilyong pisong pondo sa national ID?

Kung para sa interes ng sambayanan ang national ID cards registration ay bakit ipagkakait sa kanila na mahawakan ang ID cards. Isa na naman bang uri ng korapsyon ang dahilan ng kawalan ng pisikal na ID?

Kakatwa naman na sa kabila ng bulto-bultong pondo na inilaan sa proyektong iyan ay puro aberya lang ang inabot.

Ang national ID ay magagamit ng mahihirap para makinabang sa serbisyo ng bangko na kailangan para sa serbisyong panlipunan tulad ng pensiyon, ayuda, at iba pang tulong pinansyal mula sa pamahalaan.

Ang gustong mangyari ng ibang mambabatas ay tipirin ang may pondo na, pero ang panukalang pondo na hindi malinaw kung saan at paano gagastusin ay gustong dagdagan.

Pabor ka ba sa mungkahi ni Bato na digital copy na lang ng national ID ang ipamahagi sa mga Pilipino?

 

181

Related posts

Leave a Comment