PINURI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang Bureau of Customs (BOC) sa malakas nilang paninindigan laban sa smuggling, sa isinagawang matagumpay na turnover ng P42 milyong halaga ng bigas sa piling government agencies at benepisyaryo noong nakaraang Martes, Setyembre 19, 2023.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang distribusyon ng 42,180 sako ng bigas sa piling mga benepisyaryo sa Zamboanga City at Tungawan, Zamboanga Sibugay.
Ang iba pang natitirang mga sako ng bigas ay inilaan sa iba’t ibang rehiyon sa Luzon, Visayas, at Mindanao at ipamamahagi sa sandaling malaman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saang mga lugar ang nangangailangan ng suplay ng bigas.
Sa kanyang pagsasalita, pinuri ni Pangulong Marcos ang BOC sa isinasagawang mga imbestigasyon at inspeksyon sa mga warehouse na hinihinalang nag-iimbak ng smuggled rice.
Kaugnay nito, pinuri rin niya ang ahensya sa pangako na tugunan ang suliranin sa smuggling, at binigyang-diin ang mahalagang papel ng BOC sa kampanya laban sa ilegal na kalakalan.
Kasabay nito, kinilala ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagsisikap ng BOC, at muling pinagtibay ang determinasyon ng gobyerno para pangalagaan ang kapakanan ng sambayanan at integridad ng mga hangganan.
Nagpahayag naman ng buong suporta si Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio sa kampanya ng Pangulo, sinabing, “The BOC treats this matter with the utmost urgency, as it is crucial not only for our farmers but also for all Filipinos who work diligently to put food on the table. That’s why the BOC will relentlessly curb these illegal activities.”
Matatandaan kamakailan, ang BOC ay nakasamsam ng 42,180 sako ng bigas sa Port of Zamboanga nang ang may-ari nito ay hindi makapagsumite ng kaukulang dokumento na magpapatunay na legal at nagbayad sila ng tamang duties at taxes sa pamahalaan.
Kasunod ng Executive Order No. 39-2023, ang Presidente ay nag-utos sa BOC na patindihin ang pagkalap ng mga impormasyon para makilala at i-padlock ang warehouses na hinihinalang nag-iimbak ng smuggled rice.
Inatasan niya ang bureau na makipagtulungan sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) para sa kaukulang hakbang upang matugunan ang hindi nararapat na pagtaas ng presyo ng bigas, at pagmamanipula sa kakulangan sa suplay nito.
(BOY ANACTA)
151