INVESTMENT SCAMS, DUMARAMI!

RAPIDO ni PATRICK TULFO

KALIWA’t kanan ngayon ang mga reklamo sa naglipanang investment scams.

Isa sa pinakamainit na mga pinag-uusapan ngayon ay ang umano’y panghihikayat na mag-invest ng kilalang toy collector na si Yexel Sebastian.

Hinikayat umano ni Sebastian ang followers nito sa social media, na karamihan ay OFWs, na mag-invest sa casino junket ng kaibigan n’yang kinilalang si Hector Pantollana.

Sa pangakong palalakihin ang kanilang pera makalipas ang isang taon, umabot sa P200M ang perang ibinigay kay Sebastian.

Sa kontratang ipinadadala nito sa investors ay lumalabas na ipinautang lamang nito ang kanilang pinaghirapang pera at hindi katulad ng sinabi ni Sebastian na inilagak bilang investment.

Pero wala pang isang taon ay hindi na umano ma-contact ng mga “investor” si Sebastian gayundin ang asawa nito kaya’t napilitan silang ireklamo ang mga ito upang hilinging ibalik ang kanilang mga pera.

Hirit si Sebastian, na kasalukuyan umanong nasa Japan, biktima rin umano sila dahil hindi naman sila ang may hawak ng pera.

Ayon sa imbestigasyon, walang karapatang manguha ng investment money si Sebastian dahil wala naman itong negosyong rehistrado sa SEC na may kaugnayan sa investment.

Sa panahon ngayong napakahirap kumita ng pera, huwag basta-basta ipagkakatiwala sa iba ang inyong pinaghirapang pera.

Mas magandang pag-aralan muna ang negosyong inyong papasukin, kahit na kilalang tao ang nasa mukha ng negosyo.

Maaaring ang nakaharap sa negosyong nanghihikayat na kayo ay mag-invest ay isa lang ding biktima na hindi alam na kayo ay iiskamin.

Tandaan, walang investment o negosyo ang magbabalik agad sa inyo ng malaking kita, kaya mas malaki ang tyansa na ito ay scam.

460

Related posts

Leave a Comment