SINAMPAHAN ng disqualification case sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sina Alfredo ‘Freddy’ Roxas na tumatakbo bilang Brgy. Captain, Kris Roxas-Aliento, Pedro Mahusay, Arnel Gabito, Butch Rosales, Perla Adea, Alex Rivera at Sofronio Grimaldo na pawang kandidato naman bilang kagawad sa Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City.
Ayon sa reklamo nina Rey Miranda, Marvin Miranda at Ronald Go, ang reklamo ay dahil sa maagang pangangampanya umano ng mga nabanggit.
Nabatid sa kanilang mga sinumpaang salaysay, nagkaroon umano ng pagtitipon ang SAPIKA Homeowners Association noong September 9, 2023. Nakita raw sa pagtitipon na iyon sina Alex Rivera, Perla Adea, Pedro Mahusay, Arnel Gabito, at Butch Rosales na pawang mga kandidato sa pagka-kagawad ngayong Barangay Election.
Nakita rin daw ang mga ito na nakikipagkamay at nakikisalamuha sa mga tao sa isang singing contest. Para makakuha umano ang dalawang kagawad ng simpatya ng mga tao, ay hinarana pa ni Kgwd. Adea ng kantang ‘I Believe’ ang mga dumalo, habang ang isa pa ay umawit naman ng ‘Bakit ngayong ka lang’. Nakuha rin daw ng mga kagawad na dumalo at maging hurado sa singing contest kahit labas na ito sa kanilang mandato.
Nakasaad pa sa reklamo na bago magsimula ang singing contest, ay isa-isang tinawag sa entablado ang mga opisyal ng nasabing barangay para magtalumpati na animo’y mga nangangampanya sa mga residente ng Brgy. Kaligayahan na dumalo sa pagtitipon.
Isa pa umano sa naging basehan ng pagsasampa ng reklamo sa Comelec ang nagkalat na posters, stickers, at iba pang campaign paraphernalias nina Alex Rivera, Perla Adea, Pedro Mahusay, Arnel Gabito, at Butch Rosales sa Barangay Kaligayahan.
Base sa Section 80 ng Omnibus Election Code, mahigpit na ipinagbabawal ang pangangampanya o ang premature campaign sa lahat ng kandidato kapag sila ay nakapaghain na ng certificate of candidacy.
(PAOLO SANTOS)
404