SMUGGLING SA BANSA IMPOSIBLENG MAWALA

Imbestigahan Natin Ni JOEL O. AMONGO
MARAMING naniniwala na hindi mawawala ang smuggling ng iba’t ibang kalakal sa bansa.
Bakit kamo? Ayon sa ilan nating nakausap, sinasabi nila na paanong mawawala ang smuggling eh, wala naman daw nahuhuli na smuggler sa ginagawang mga pagsalakay ng mga awtoridad sa mga bodega ng bigas sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ayon pa sa kanila, mistulang papogi lang ng administrasyon ang kanilang operasyon kuno, laban sa mga nagtatago ng bigas.
Kaya hayun hindi na bumaba ang presyo nito at tila naglaho na ang pangako ni PBBM na P20 kada kilo ng bigas.
Hindi lang ang bigas, ang iba pang agri-products na tulad ng kamatis, sibuyas at iba pa ay hindi na rin bumaba ang presyo.
Anila, kung totoo ang ginagawang paglaban ng gobyerno sa smugglers, dapat may masampulan silang mahuli para kapani-paniwala ang kanilang ginagawa.
Matatandaan natin, kamakailan ay ibinunyag ni Sen. Risa Hontiveros na mismong nasa Department of Agriculture (DA) ang nasa likod ng smuggling.
Kung totoo ang sinasabi ni Sen. Hontiveros na nasa DA ang sangkot sa smuggling, dapat ay hulihin na ito ng mga awtoridad.
‘Yan ay kung gusto talaga ng gobyerno na maniwala sa kanila ang taumbayan sa kanilang paglaban sa smuggling ng agri-products.
Kung talagang totoo ang kampanya ng gobyerno laban sa smuggling, kailangan nilang magpakita ng patunay na may nahuli silang malaking isda (smuggler).
Nagsagawa ng mga pagsalakay sa mga bodega ng bigas, bakit wala silang mahuling smugglers?
Nagsagawa na rin ng mga pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso hinggil sa isyu ng smuggling ng sibuyas ngunit wala rin silang nahuling smuggler.
Pumasok na ang bermonths at ilang buwan na lang Pasko na, panahon na naman ng pagdagsa ng smuggled agri-products pero wala pa ring smuggler na naipakukulong ang gobyerno.
Parang gusto ko nang maniwala kay Erap na ‘weather weather lang ‘yan’.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com
178

Related posts

Leave a Comment