HOG RAISERS NA APEKTADO NG ASF SA SIBUYAN, INAYUDAHAN NI CONGRESSMAN MADRONA

BALYADOR ni RONALD BULA

ANG pagsiklab ng African Swine Fever (ASF) ay nagresulta sa pagkawala ng hindi bababa sa 700 baboy sa Sibuyan Island.

Opisyal na kinumpirma ni Provincial Veterinarian Paul Miñano ang ASF outbreak noong Biyernes, batay sa datos na iniulat ng local government units ng Cajidiocan at San Fernando.

Ang pinakahuling numero ay nagpapakita na mayroong hindi bababa sa 500 baboy na namatay sa San Fernando at humigit-kumulang 200 sa bayan ng Cajidiocan dahil sa mga sintomas tulad ng ASF. Sa ngayon, 3 lamang ang kumpirmadong kaso ng ASF dahil sa limitadong testing equipment.

Ang ASF ay lubhang nakahahawang sakit na viral na nakakaapekto sa parehong mga domestic at wild na mga baboy, at wala itong kilalang lunas o bakuna. Bagama’t ang virus ay hindi nagbibigay ng direktang panganib sa kalusugan ng tao, ang presensya nito ay maaaring magkaroon ng matinding epekto sa ekonomiya, lalo na sa industriya ng baboy.

Ang mga lokal na magsasaka at nag-aalaga ng baboy ay hinimok na iulat kaagad sa mga awtoridad ang anomang palatandaan ng sakit o hindi pangkaraniwang pagkamatay ng baboy.

Kaya nitong Nobyembre 10, tumanggap ng tulong financial mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga nag-aalaga ng baboy na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa bayan ng Cajidiocan at San Fernando, Romblon.

Ayon kay Social Welfare and Development Team Leader Abegail Fetilo, ang ipinamahaging ayuda ay mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation program na pinondohan ng opisina ni Congressman Eleandro Jesus F. “Budoy” Madrona.

Aabot sa 688 ang nabigyan ng ayuda sa bayan ng San Fernando at 905 naman sa bayan ng Cajidiocan.

Sinabi ni Fetilo na beripikado ang mga benepisyaryo ng Municipal Agriculture Office ng kani-kanilang mga bayan kaya napabilang sa nabigyan ng ayuda.

Ang mga ito ang hog raisers na namatayan ng baboy o ‘di kaya ay hindi makapagbenta ng baboy dahil sa sakit. P2,000 ang natanggap na ayuda ng bawat hog raisers.

Samantala, namahagi rin ng tulong ang Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Jose Riano, para naman sa hog raisers na beripikadong namatayan ng mga baboy dahil sa sakit.

Sinabi ni Fetilo, magpapatuloy ang kanilang verification para mabigyan ng tulong ang iba pang naapektuhan ng sakit sa isla, maging ang mga hog raisers na nasa isla ng Tablas na apektado na rin ng virus.

@@@

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email lang sa balyador69@gmail.com

187

Related posts

Leave a Comment