TARGET ni KA REX CAYANONG
NAIS ni Sen. Robinhood Padilla na palakasin ang kapasidad ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Sa gitna ng plenary debates sa 2024 General Appropriations Bill (GAB), itinulak ng chairperson ng Committee on Public Information and Mass Media ang pagsasabatas ng mga panukalang nagpapalakas ng mandato, kakayahan, at organisasyonal na istraktura ng MTRCB.
Sinasabing lima sa mga panukala ang inihain ukol dito, kabilang na ang Senate Bill No. 1940 na akda ni Padilla.
Sa kanyang panukala, ipinunto ni Padilla ang pangangailangan ng MTRCB na tugunan ang mga hamon ng makabagong panahon.
Ang MTRCB, bilang pangunahing quasi-judicial na tanggapan ng pamahalaan na responsable sa pagsusuri at klasipikasyon ng mga programa sa telebisyon, pelikula, at materyales na pang-promosyon, ay dapat magkaroon daw ng malinaw na mandato upang maayos at epektibong maisagawa ang mga layunin ng ahensya.
Aniya, dapat maging mas handa ito sa pagharap sa mga pagbabago sa lipunan at teknolohiya upang masiguro ang patas at makatarungan na pagsusuri at klasipikasyon ng mga likhang sining sa telebisyon at sinehan.
Samantala, sa gitna ng patuloy na pagharap ng Camarines Norte sa iba’t ibang hamon, sinabi ni Gov. Dong Padilla na isang magandang balita ang kanilang natanggap matapos makakuha ng pondo na nagkakahalaga ng P31 milyon mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program at livelihood assistance.
Kabilang sa mga natanggap ng CamNorte ang P17 milyon mula sa DOLE Regular Fund; P4.7 milyon mula kay Sen. Mark Villar; P8 milyon mula sa Ako Bikol; at P2.1 milyon mula sa labor department para sa livelihood.
Ang malaking halaga na ito ay magiging daan upang mapabuti ang kalagayan ng ating mga mamamayan, lalung-lalo na sa mga sektor na nangangailangan ng agarang tulong at suporta.
Pinasalamatan ni Gov. Padilla sina DOLE-Camarines Norte Provincial Office (CNPO) Provincial Head Cherry Mosatalla, Public Employment Service Office (PESO) Manager Nida Tosoc at iba pa sa matagumpay na pamamahagi ng ayuda.
Nagpapakita ito ng patuloy na pagtutok ng pamahalaang panlalawigan sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.
Ang pagtutulungan ng iba’t ibang tanggapan ay nagbubuklod sa atin upang sama-sama nating malampasan ang mga pagsubok at hamon.
Sa bawat programa at proyektong ito ng provincial government, sa pangunguna ni Gov. Dong Padilla, ay nagsisilbing inspirasyon ang pagkakaisa ng ating mga lider at mga mamamayan.
Mabuhay po kayo at God bless!
193