MALAPIT nang madagdagan ang naval asset ng Philippine Navy ng dalawang bagong Corvette class warship dahil inumpisahan na ng South Korean shipbuilder ang paggawa ng dalawang missile corvette.
Ayon kay Capt. Benjo Negranza, Navy Public Information Office chief, sinaksihan mismo ni Navy Flag Officer in Command (FOIC) Vice Adm. Toribio Adaci Jr. at iba pang ranking officials, ang keel laying para sa unang missile corvette nito at ang pagputol ng bakal para sa pangalawang missile corvette sa shipyard ng kumpanya sa Southern City of Ulsan ng South Korea.
Ang nasabing aktibidad ay nagpapahiwatig ng pagsisimula ng proseso ng produksyon ng dalawang corvettes na madaragdag sa arsenal ng Hukbong Dagat ng Pilipinas.
Ayon kay Capt. Negranza, ang steel cutting ay nangangahulugan ng pagsisimula ng pagtatayo ng barko habang ang paglalagay ng keel ay tumutukoy sa pagtatayo ng pinaka-backbone ng barko.
Ang mga barkong ito ay lalagyan ng mga makabagong armas, sensor at combat systems na maaaring tumugon sa iba’t ibang sitwasyon sa seguridad ng karagatan.
Ang mga corvette ay maaaring magsagawa ng anti-air, anti-surface, at anti-submarine warfare operations.
(JESSE KABEL RUIZ)
