NAG-AGAWAN SA BARIL, TULAK PATAY SA PARAK

CAVITE – Patay ang isang 28-anyos na lalaki na may kasong ilegal na droga, nang tamaan ng bala habang nakikipag-agawan sa baril ng isang pulis nang pumalag habang sinisilbihan ng arrest warrant sa Bacoor City noong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang suspek na si alyas “Randy”, residente ng Brgy. Talaba 6, Bacoor City, Cavite

Ayon sa ulat ni Police Staff Master Sergeant Roberto Lacasa ng Bacoor City Police, dakong ala-1:30 ng hapon, nagtungo ang mga operatiba ng Warrant Section ng Bacoor Component City Police Station, sa Bagong Kalsada, Brgy. Zapote 1, Bacoor City upang magsilbi ng warrant of arrest laban kay alyas “Randy”, 28-anyos.

Nang silbihan ng nasabing warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Maricar Saprodon Sison ng RTC Branch 113, Bacoor City, sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ay pumalag ang suspek at nagbanta na itatapon nito sa mga operatiba ang hawak niyang granada.

Tinangka ni Police Corporal Carmelito Dominguez na pakalmahin ang suspek subalit tumalon ito sa bintana ng kanilang bahay kaya hinabol ng mga operatiba. Pagkaraan ay itinapon ng suspek ang hawak niyang granada ngunit hindi ito sumabog.

Nadakma naman ni Dominguez ang suspek ngunit tinangka ng huli na agawin ang service firearm ng pulis.

Nagpambuno ang dalawa hanggang sa biglang pumutok ang baril at tinamaan si Randy na nagresulta sa kamatayan nito.

(SIGFRED ADSUARA)

215

Related posts

Leave a Comment