PURO PASAKIT SA TAUMBAYAN

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NABAWASAN ang bilang ng walang trabaho sa bansa noong Oktubre, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Pumalo kasi sa 4.2% ang unemployment rate, mas mababa sa 4.5% na naitala noong Oktubre 20, 2022. Pinakamababa ito mula noong Abril 2005.

Magandang balita dahil nabawasan ang tambay sa bansa, ngunit hindi dapat maging kampante dahil malamang dumausdos muli ang bilang ng walang trabaho kapag tapos na ang holiday season.

Pansamantala at hindi matatag ang numero.

Ayon sa PSA, mga negosyong pang-holiday season ang nagdulot ng dagdag-trabaho sa retail, food at accommodation ngayong holiday season.

Karaniwan nang nangyayari ang dagdag-trabaho habang papalapit ang holiday season pero dapat tutukan ng pamahalaan paano magtutuloy-tuloy ang trabahong may kaugnayan sa nasabing mga negosyo.

Teka, asan na ‘yung mga lilikhaing trabaho mula sa investment pledges na nakuha ni PBBM sa kanyang walang kasawa-sawang biyahe?

Kasamang nilipad ng hangin sa ere?

Sige, magsaya na muna dahil holiday season naman. Aliwin sandali ang mga sarili sa mga higanteng Christmas tree, parol at kumukutitap na mga palamuti.

Ikondisyon muna sa kasiyahan ang buhay para madaling tanggapin ang hirap na maaaring idulot ng bagong taon.

Huwag munang kj ngayong kapaskuhan.

Tamang-tama at nagkaroon ng bigtime rollback nitong Martes ang mga produktong petrolyo. Higit piso ang tapyas sa presyo ng gasolina, diesel at kerosene.

Kung pwede nga lang mag-imbak ang mga motorista ng produktong petrolyo bilang antisipasyon sa posibleng pagsikat muli ng presyo ng mga produkto.

Kaso katulad ng isang kahig isang tuka, ang karaniwang motorista ay umaasa rin sa isang karga, isang ruta.

Maganda ba ang paghihiwalay ng 2023 para sa mga driver lalo ng PUV?

Parang hindi. Patunay rito ang mga strike bilang protesta sa December 31, 2023 deadline para sa franchise consolidation ng public utility jeepneys.

Problema sa biyahe sa lansangan, dadagdagan pa ng pasakit sa commuter na bumibiyahe sa riles na nasa itaas.

May dagdag-pasahe na sa MRT-3 sa susunod na taon, anunsyo ng Department of Transportation (DOTr).

Kinakailangan umano ang pagtaas ng pasahe para mapanatili ang tamang pagtakbo ng mga tren, railway system at maintenance nito.

Layunin din pala ng pagtaas na mabawasan ang binabalikat ng gobyerno para sa subsidiya ng operasyon ng mga tren dahil marami itong kailangang pagtuunan katulad ng edukasyon at kalusugan.

Ganun pala. Pasakit na pasanin ito ng mga commuter.

Marami namang paraan at pagkukunan ang pamahalaan para sa mga serbisyong sosyal tulad ng kalusugan at edukasyon.

Gustong magbigay ng serbisyo sa tao, ngunit pahihirapan din pala ang publiko.

Pambansang programa pa naman ang ayuda at subdidiya.

169

Related posts

Leave a Comment