PATAS AT MAKATWIRANG SINGIL NG MERALCO KAAGAPAY SA PAG-UNLAD NG EKONOMIYA

Nananatiling patas at makatwiran ang singil ng Meralco ayon sa pag-aaral na isinagawa ng International Energy Consultants (IEC).

Pagdating sa usapin ng pagne-negosyo, isa sa pinakamahalagang konsiderasyon ang kuryente dahil malaki ang epekto nito sa pagsigurong magiging maayos ang operasyon at produksyon. Bukod sa kalidad ng serbisyo ng kuryente, importante rin ang presyo nito para masiguro ang pagiging sustenable ng isang negosyo.

Nitong mga nakaraang taon, naapektuhan nang husto ng mga internasyunal na krisis partikular na ang pandemya at ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine ang presyo ng kuryente sa buong mundo, kabilang na sa Pilipinas na nakadepende sa inaangkat na coal at domestic gas.

Dahil hindi pare-pareho ang sitwasyon ng industriya ng enerhiya sa buong mundo, mahalaga ang pagkakaroon ng mabusising pagsusuri at pag-aaral ng mga singil sa kuryente sa iba’t-ibang merkado para lubos itong maunawaan. Ang maayos at komprehensibong pag-aaral sa mga salik ng singil sa kuryente ay lubos na makatutulong sa mga desisyong makakaapekto sa ekonomiya ng isang bansa.

Nagsagawa ang International Energy Consultants o IEC ng pagsusuri at paghahambing ng 46 merkado ng kuryente kabilang na ang dalawang estados ng Amerika.
Ang IEC ay isang consulting firm na naka-base sa Australia at may malawak na pang-unawa sa mga industriya ng kuryente sa Pilipinas, Singapore, Vietnam, Taiwan, Japan, Indonesia, New Zealand, at South Korea. Pang-apat na sa binubuong series ng IEC ang pinakabago nitong 2022 na pag-aaral. Nagkaroon na rin ng mga kaparehong pag-aaral noong 2012, 2016, at 2018.
Katulad ng mga isinagawang pag-aaral ng IEC dati, ang mga merkadong kabilang sa pinakabago nitong pagsusuri ay napili batay sa kakayahang makapagbigay ng datos pati na rin kalidad nito. Ginamit ng IEC ang datos mula sa Manila Electric Company (Meralco) para sa Pilipinas bilang ang kumpanya ang pinakamalaking tagapaghatid ng serbisyo ng kuryente sa bansa.
Natuklasan sa nasabing pag-aaral ang mga datos na makatutulong para mas maunawaan ng publiko ang mga bagay at sitwasyon na nakaaapekto sa singil sa kuryente sa Pilipinas.

Ipinaliwanag ni Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga ang resulta ng isinagawang pag-aaral ng IEC.

Lumabas sa isinagawang pag-aaral ng IEC na ang singil ng Meralco ay nananatiling patas at makatwiran. Ang pangkalahatang taripa ng Meralco kasi ay pang-21 sa 46 na merkado ng kuryente noong 2022 at mas mababa ng 3% sa pandaigdigang kalahatan.

Dagdag pa ng IEC, kung ihihiwalay ang mga bansang may subsidiya, lalabas na ang taripa ng Meralco ay mas mababa pa ng 13% sa pandaigdigang kalahatan. Ito ay dahil ang mga taripa sa kuryente ng mga kalapit na bansa ng Pilipinas katulad ng Thailand, Indonesia, Malaysia, Korea, Taiwan, at Vietnam ay may subsidiya na higit pa sa 50%.
Inilahad rin ng naturang pag-aaral na sa nakalipas na limang taon, bagama’t tumaas ng 24% ang taripa ng Meralco, halos kapantay lamang ito ng 23% na pandaigdigang kalahatan. Bunsod ito ng mataas na generation charge na naapektuhan ng pagtaas sa presyo ng fuel partikular ang inaangkat na coal at domestic gas ng Pilipinas.

Pagdating naman sa mga singil na bumubuo sa pangkalahatang taripa ng Meralco, lumalabas na tumaas lamang ng 2% ang distribution charge ng kumpanya ayon sa IEC. Kinilala din ng mga mananaliksik ng IEC ang kakayanan ng Meralco na maghanap ng mga power supply agreement sa pinakamababang posibleng halaga kaya naman hindi pa rin lubusan ang pagtaas ng generation charge.

Sa pangkalahatan, lumalabas sa pag-aaral ng IEC na ang taripa ng Meralco ay nanatiling halos kapantay ng pandaigdigang kalahatan sa nagdaang dekada.

Para naman sa rekomedasyon ng IEC, dapat umanong pagtuunan ng pansin ang pamumuhunan sa bagong mga generation capacity upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente, at pati na rin ng pag-develop ng mga renewable energy source sa bansa.

Sa bahagi ng Meralco, taong 2019 pa sinimulan ng kumpanya ang pagsusulong ng makatarungan, patas, at abot-kayang transisyon sa mas malinis na supply ng kuryente o renewable energy (RE).

Nitong taon lamang ay inanunsyo ng Meralco na babawasan nito ng 23% ang direct emissions nito pagdating ng 2030 bilang suporta sa layunin ng pamahalaan na maging coal-free bago ang 2050.

Nalagpasan na rin ng Meralco ang inisyal na RE capacity target nito na 1,500 megawatts (MW) matapos makuha ng kumpanya ang 1,880 MW na contracted capacity mula sa iba’t-ibang mga supplier. Ito ay bilang suporta ng Meralco sa Renewable Portfolio Standards (RPS) policy ng Kagawaran ng Enerhiya.
Sa pamamagitan din ng mabusising istratehiya ng Meralco, inaasahang 22% ng supply portfolio ng Meralco pagdating ng 2030 ay mula na sa RE.

Patuloy din ang pamumuhunan ng Meralco sa mga pasilidad nito upang matiyak ang ligtas, maaasahan, at tuluy-tuloy na serbisyo ng kuryente sa 7.8 milyong customer nito.

572

Related posts

Leave a Comment