NAHAHARAP sa kasong paglabag sa Republic Act 9296, Section 48 na inamyendahan ng RA 10536 (The Meat Inspection Code of the Philippines) at Republic Act 10611, Section 37 (Food Safety Act of 2013), ang isang 45-anyos na vendor sa Pedro Guevarra Street, Barangay 364, Blumentritt, Sta. Cruz, Manila dahil sa pagbebenta ng ‘double dead’ na karne noong Linggo ng gabi.
Una rito, nagpasaklolo ang mga tauhan ng Veterinary Inspection Board ng Manila City Hall sa pangunguna ni Dennis Noble, 38, sa tanggapan ng District Intelligence Division 2, Special Mayor’ s Reaction Team (DID-2 SMaRT) hinggil sa double dead na karne na itinitinda ng suspek na si alyas “Edler” , 45, ng Barangay Balong Bato, Quezon City.
Bunsod nito, iniutos ni Police Major Rommel Purisima, hepe ng DID- SMaRT, sa kanyang mga tauhan ang pagtugon sa reklamo ni Noble, isang meat inspector at Wildlife Enforcement Officer.
Kinumpiska ng mga awtoridad ang 280 hanggang 300 kilo ng ‘double dead’ na karne na sinuri ni Dr. Nicanor Santos, Jr., OIC ng Veterinary Inspection Board at hepe ng Enforcement Squad ng Manila City Hall.
Nadiskubre rin na walang business permit kahit na mula sa barangay, ang suspek, para makapagtinda.
(RENE CRISOSTOMO)
375
