REP. ORDANES KAY PBBM: SENIOR CITIZENS HUWAG ISANTABI

NANAWAGAN si Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyang-prayoridad ang dalawang panukalang batas para sa kapakanan ng mga senior citizen.

“Kami po ay malapit na sa finish line, marami ang nasa departure area na ng buhay at malapit nang magpantay ang mga paa,” ani Ordanes.

Ayon sa mambabatas, wala umanong nabanggit ang Pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) tungkol sa konkretong plano para sa senior citizens.

“Kami ay tila nakalimutan ng ating Pangulo. Wala kaming nakitang pag-asang mabibigyan ng sapat na pansin ang mga senior citizen. Wala kahit isang salita tungkol sa aming mga karapatan at kapakanan,” saad niya.

Inihalintulad pa ni Ordanes ang kalagayan ng mga senior citizen sa dahon ng anahaw na dati umanong nagsisilbing panangga sa ulan ngunit kalaunan ay isinantabi nang magkaroon ng payong.

Gayunman, nilinaw niyang hindi nagtatampo ang mga senior citizen sa Pangulo at umaasa silang maisasabatas sa lalong madaling panahon ang Universal Social Pension at Geriatric Health Act.

“Sana po ay dumating ang araw na wala nang senior citizen ang makadama na sila ay parang anahaw na dating pinakinabangan ngunit kalaunan ay nakalimutan. Hangad lamang namin ang isang gobyerno na tunay na nag-aaruga at nagbibigay ng dignidad sa bawat Pilipinong matanda,” apela ni Ordanes.

101

Related posts

Leave a Comment