PERANG NAWALA DAHIL SA MAANOMALYANG TAWAG O OTP, IPINARE-REFUND NG BSP!

RAPIDO ni PATRICK TULFO

MARAMI nang reklamo ang aming natanggap mula sa mga depositor ng banko na nawalan ng pera matapos na may tumawag sa kanila at ibigay ang kanilang OTP.

Karaniwang biktima ng sindikato ng online fraud na ito ay mga senior citizen na hindi alam ang nasabing modus.

Nasa mahigit 500 na kaso na raw ang naisampa ng PNP sa BSP kaugnay sa mga nawalan ng pera dahil sa mga ilegal na transaksyon.

Kamakailan lamang ay lumapit sa aming tanggapan ang isang senior citizen na nawalan umano ng mahigit P400,000.00 na ipambibili sana nila ng lupain.

Ang nasabing pera umano ay kadedeposito lamang niya, 3 araw bago ito mawala.

Makaraan umano ang 3 araw mula nang ito ay ideposito ng senior citizen, may tumawag sa kanyang nagpakilalang staff ng banko kung saan naroon ang kanyang account.

Sinabi umano ng nasabing staff na kailangan niyang ayusin ang kanyang account at ibinigay ng matanda ang OTP na ipinadala sa kanyang cellphone number.

Nalaman lamang umano ng matanda na wala na ang kanyang pera nang sinubukan niyang kunin ilang araw ang nakalipas.

Ubos na umano ang laman ng kanyang account.

Ang tanong dito ay paano nalaman ng nasabing “staff” ang detalye ng matanda at paano nito nalaman na may kapapasok lamang na pera sa kanyang account.

Kasama ang kanyang anak, pumunta ang biktima sa branch ng banko kung saan naroon ang kanyang account.

Imbes na tulungan, pilit umanong pinapirma ng staff ang complainant sa isang waiver o quitclaim kung saan sinasabi nitong wala silang pananagutan sa nawalang pera.

Sa bagong inilabas na direktiba ng BSP, hindi na kailangang maghintay ng mga depositor na makapag-file ng kaso ang mga pulis para mabawi ang nawala nilang pera.

Inatas ng BSP na i-refund ang nawalang pera sakaling maimbestigahan at mapatunayang ang complainant ay totoong biktima ng online fraud.

Maganda ang ginawang ito ng BSP, pero dapat ay maipakulong din ang mga nasa likod ng sindikatong ito upang tuluyang matuldukan ang kanilang panloloko.

119

Related posts

Leave a Comment