(NI BERNARD TAGUINOD)
MATAPOS ang sunud-sunod na paglindol sa Luzon at Visayas region, lalong kailangan na magkaroon na ng isang departamento na tututok sa paghahanda at pagtugon sa lahat ng mangyayaring sakuna o kalamidad sa bansa.
Ito ang panawagan ni House committee on disaster management chairperson Geraldine Roman, matapos ang magnitude 6.1 na lindol sa Central Luzon noong Lunes at magnitude 6.5 sa Visayas noong Martes.
Ayon kay Roman, naipasa na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbassa noong nakaraang taon pa ang House Bill (HB) 8165 para sa pagtatag ng Department of Disaster Resilience (DDR).
“The DDR shall provide leadership in the continuous development of strategic and systematic approaches to disaster prevention, mitigation, preparedness, response, recovery, and rehabilitation,” ani Roman.
Lumalabas na tanging ang Senado na lamang ang hinihintay para maitatag ang departamentong ito na kailangan na kailangan na umano dahil bukod sa lindol ay nahaharap din ang bansa sa malalakas na bagyo taun-taon.
“There is no need to further explain why we need this department now,” ayon pa sa mambabatas.
Kasabay nito, hiniling ni Roman sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na magkaroon ng regular update sa lindol upang maiwasan ang paglaganap ng fake news.
Magugunita na kumalat sa social media na magkakaroon umano ng 7.1 magnitude na lindol matapos ang magkasunod na lindol sa Central Luzon at Visayas region kaya nararapat lamang umano ng magkaroon ng regular official bulletins mula sa Phivolcs, National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC), at maging sa mga local DRRMCs.
“All government offices should conduct earthquake drills and disaster preparedness seminars immediately,” ayon pa sa mambabatas.
188