(NI BERNARD TAGUINOD)
IKINATUWA sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapataw ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ng P1.3 bilyong multa sa Manila Water bilang parusa sa krisis sa supply ng tubig sa kanilang mga customers noong nakaraang buwan.
Gayunman, sinabi nina Bayan chair Nerie Colmenares at Rep. Carlos Zarate na ang perang ito ay dapat direktang mapakinabangan ng mga apektadong consumers ng Manila Water dahil ang mga ito ang nagdusa.
“Ang mga consumer ng Manila Water ang nagdusa at napagastos nang mawalan ng tubig mula Marso. At sa katunayan hanggang ngayon ay nawawalan pa rin sila ng tubig. Sila ang dapat na direktang makinabang sa ipapataw na parusa sa Manila Water,” ani Colmenares.
Ginawa ni Colmenares ang pahayag dahil mapupunta lang sa MWSS ang P534.050 milyon sa nasabing halaga habang ang natitirang P600 milyon ay gagamitin sa pag-develop umano para sa bagong water supply source.
Sinabi naman ni Zarate na bagama’t pinagmumulta ang Manila Water, hindi umano ito nangangahulugan na ligtas na ang mga opisyales ng nasabing water concessionaires sa pananagutan.
Ayon sa mambabatas, tuloy ang kanilang pagsasampa ng kaso laban sa Manila Water dahil sa paglabag ng mga ito sa contract agreement na kailangang mayroong 24/7 na supply ng tubig.
165