THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
Hindi na nakagugulat na isa ang Metro Manila sa may pinakamabigat na daloy ng trapiko sa buong mundo.
Halos lahat ng nakasasalamuha natin sa araw-araw ay nakararanas ng pagsubok, pagkainis at minsan pa’y kawalan ng pag-asa sa estado ng pangunahing mga lansangan lalo na kapag rush hour.
Pero kung tutuusin, halos wala na ngang pinipiling oras ang rush hour na ito.
Base sa pinakahuling pag-aaral ng TomTom, isang Dutch multinational na kumpanyang nagbibigay ng datos ukol są trapiko są mundo, ang Metro Manila nga ang may pinakamatinding traffic congestion sa mundo noong 2023.
Tinatayang umaabot ng average na 25 na minuto at 30 segundo para sa layong 10 kilometro – mas mahaba ng 50 segundo kumpara noong 2022.
Ayon pa sa Tomtom, katumbas ito ng congestion level na 52 porsyento o doble ng oras na inilalaan na naiipit sa trapiko kumpara sa normal na kondisyon.
Kung titingnan naman ang nasayang na oras, umabot ng 117 na oras o halos limang araw ang nawawala są mga motorista sa Metro Manila dahil sa matinding daloy ng trapiko.
Sakop ng pag-aaral na ito ng TomTom, ang 387 na siyudad sa buong mundo. Sumunod sa Metro Manila na may pinakamalalang daloy ng trapiko ang Lima sa Peru, Bengaluru sa India, Sapporo sa Japan at Bogota sa Colombia.
Ayon pa sa TomTom, ang traffic congestion at ang epekto nito sa ekonomiya, ekolohiya at kalusugan ay mga problemang kailangang kaagad malutas.
Talaga namang nakapanghihinayang ang oras na nawawala dahil sa mabagal na galaw ng trapiko. Marami namang solusyong tinitingnan at ipinatutupad ang ating pamahalaan, pero mahirap masabing nararamdaman natin ang mga ito.
Medyo maganda pa ang resulta ng pag-aaral ng Tomtom dahil kung tutuusin, may mga sitwasyong sana ay labing limang minutong biyahe lamang sa distansyang tatlong kilometro, ngunit maaaring umabot ito ng mas matagal at sa aking karanasan, umaabot ito ng isang oras!
Isa sa matagal nang pinag-uusapan ang pagpapabuti ng pampublikong transportasyon. Kung halimbawang mas maganda pa, mas episyente, at mas malawak ang sakop ng rail system ng bansa – maaaring imbes na magdala ng sariling sasakyan, pipiliin ng marami na mag-commute na lamang.
Maganda ang naging ideya ng EDSA bus carousel at ng point-to-point buses, pero sa ngayon, medyo limitado pa rin ito.
At para sa ating mga Pilipino, hindi lamang ito ang problema sa sektor ng transportasyon.
Isa nga sa hindi pa rin natatapos na usapan ang modernisasyon ng Public Utility Vehicles (PUVs) na hanggang ngayon ay kinukwestyon pa rin.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, nasa 76 na porsyento o 145,721 units ng UV Express at jeepneys ang nakapag-consolidate na sa ilalim ng programa.
Bagama’t natapos na ang deadline para sa consolidation ng jeepney drivers, ilang mambabatas pa rin ang nanawagan na ikonsidera ang pag-extend pa nito para ma-accommodate ang mas marami pang mga tsuper na takot mawalan ng kabuhayan.
Nanawagan rin sila na resolbahin na ang napakaraming isyu ng programang ito dahil napakaimportanteng stakeholders na mga tsuper at operators ang naapektuhan nito.
Hindi naman maikakaila na isa sa iniinda ng marami są kanila ang presyo ng modernong jeepney. Ayon sa Francisco Motors, ang isang modernized, full-electric jeepney unit ay nagkakahalaga ng P985,000 bawat isa. Kung tutuusin, maganda naman ito dahil bukod sa sumusunod sa Philippine National Standards, mas malaki rin ito, air-conditioned, may modernong automated fare collection system, at tiyak na magiging mas convenient para sa mga pasahero at pati na rin sa mga PWD.
Bagama’t maganda naman ang intensyon ng modernization program, mukhang mahabang usapin pa ito at marami pang kailangang pagkasunduan ang mga stakeholder ng sektor ng transportasyon.
865