MAAYOS NA SERBISYO NG KURYENTE

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

SARAP pakinggan kapag may bawas-singil sa kuryente. Para bang napakagandang balita na may madaragdag sa budget para sa bigas, ulam o kaya naman sa pamasahe. Karamihan sa atin, umaaray sa buwanang bayarin sa kuryente — kahit na wala naman tayo pakialam kapag itinotodo natin ang paggamit ng ilaw o ng appliances natin sa bahay.

Pero mas matindi ang suliranin kapag wala na ang kuryente. Sandaling brownout pa lang, marami sa atin hindi na mapakali. Paano ang trabahong dapat matapos o kaya ang pagdalo sa klase kapag online classes? Paano kapag maraming gawaing bahay na dapat matapos na nakadepende sa kuryente? Paano kapag madilim o sobrang init?

Ano’ng silbi ng bawas-singil o ng murang singil kung halos linggu-linggo naman nawawalan ng ilaw?

Maraming lugar sa bansa na hindi na mabilang ang reklamo. Sa isang survey noong Abril 2025, anim sa bawat sampung residente ng Batangas ang nagsabing may isa hanggang dalawang brownout sila kada buwan. May ilan pa ngang umaabot ng sampung beses! Karaniwan, isa hanggang dalawang oras ang patid, pero minsan lumalagpas pa ng tatlong oras. Imbes na makatipid, dagdag gastos pa—sira ang appliances, abala sa negosyo, at hirap ang mga estudyante sa pag-aaral.

At marami pang lugar sa bansa ang may ganitong problema. Sa Samal Island sa Davao, milyun-milyon ang nalulugi sa turismo dahil sa palpak na serbisyo ng kuryente. Sa Siargao, sunod-sunod ang reklamo dahil sa pabago-bagong boltahe na nakasisira ng gamit. Nandyan pa ‘yung matinding problema sa Siquijor, at iba pang probinsya na para bang normal na ang brownout — pero nakaiinis pa rin!

Dahil iba-iba ang distribyutor ng kuryente kada probinsya, iba-iba rin ang klase ng serbisyong nararanasan ng mga residente. May mga lugar na nakapagtala ng mahaba at matagal na pagkawala ng kuryente dahil lang sa maintenance—samantalang may mga private distributor, wala pang tatlong oras ang downtime.

Hindi lang usapin ng presyo ang kuryente. Ito ang nagbibigay-buhay sa ekonomiya. Ilaw sa tahanan, kuryente sa ospital, pabrika, at tindahan. Kung walang kuryente, wala ring trabaho, wala ring kita. Paano uusad ang negosyo kung laging madilim? Paano makahihikayat ng investors at turista kung walang kasiguruhan sa supply?

Dapat maningil ang mga tao hindi lang ng murang singil kundi ng maayos, maaasahan at tuluy-tuloy na serbisyo. Kung may shortage man, tungkulin ng mga distributor na gumawa ng paraan: mabilis na ibalik ang ilaw, malinaw na magpaliwanag, at ayusin ang load management.

Kailangan ding kumilos ang mga regulator. Ang Energy Regulatory Commission at National Electrification Administration ay dapat mas mahigpit at mas bukas sa totoong sitwasyon ng iba’t ibang lugar sa bansa. Sa ganitong paraan, may pressure na para mag-perform at mas mapaayos pa ang serbisyong inihahatid sa mga residente.

Dapat may malinaw at updated na data kung gaano kadalas at katagal mawalan ng kuryente ang bawat distribyutor ng kuryente — at kung paano nila dapat tugunan ito. Alam naman natin na importanteng mag-invest ang mga electric cooperative at distributor sa modernisasyon—bagong linya, matibay na poste, substation upgrade at iba pa para masigurong natutugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente.

Hindi tayo dapat makuntento sa murang bill pero bulok na serbisyo. Ang mura, madaling mawala. Pero ang tuluy-tuloy na kuryente, ‘yan ang tunay na nakapagbibigay ng ginhawa, trabaho, at magandang buhay.

Kung gusto nating umunlad ang bansa, kung gusto nating mas maraming trabaho at mas maayos na pamumuhay, kailangan natin ng distributor na maaasahan, responsable, at handang managot.

Dahil sa dulo, simple lang naman ang hiling ng bawat Pilipino — kuryenteng abot-kaya, maaasahan at hindi nawawala.

438

Related posts

Leave a Comment