ISINUSULONG ni Senador Jinggoy Estrada ang panukala na magpapahintulot sa publiko na makilahok sa legislative process sa pag-amyenda o pagbalangkas ng mga bagong batas gamit ang online platforms.
Sa kanyang Senate Bill No. 2344 o Crowdsourcing in Legislative Policymaking Act, sinabi ni Estrada na bibigyang-daan ang pakikilahok ng mga indibidwal o grupo sa paggawa ng batas sa pamamagitan ng crowdsourcing.
Sa pamamagitan ng social media o online portals ng Senado at ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO), maaaring mag-post o magsumite ang publiko ng kanilang mga opinyon o komento sa komite na tumatalakay sa isang panukalang batas.
Sa ilalim ng SB 2344, matapos maisumite ang isang panukala o pagkatapos ng First Reading, maaaring magpadala ng mga komento o suhestiyon ang publiko sa loob ng 15 araw at magiging bahagi ito sa talakayan ng komite.
Kapag ang panukala ay nailatag na sa plenaryo sa Second Reading, bibigyan ng tatlong araw ang publiko upang magsumite ng kanilang mga komento at sa Third Reading, mayroon ding tatlong araw ang publiko para magbigay ng kanilang opinyon.
(DANG SAMSON-GARCIA)
308
