MULING nakaranas ng harassment ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) matapos silang harangin, gawan ng dangerous maneuver, at bombahin ng water cannon ng China Coast Guard (CCG) habang nagsasagawa ng misyon malapit sa Bajo de Masinloc.
Ayon sa PCG, isa ring barko ng China Coast Guard ang humarang at nagsagawa ng mapanganib na pagmamaniobra ilang metro lamang ang layo sa isa pang sasakyang-pandagat ng BFAR.
Sinabi ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela na walang nasaktan sa mga tauhan ng PCG at BFAR at matagumpay nilang naisagawa ang fuel subsidy mission para sa mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc.
Ang panibagong insidente ay naganap ilang araw lamang matapos ang pananakit ng mga tauhan ng China Coast Guard sa mga miyembro ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal na ikinasugat ng dalawang sundalo.
Ayon kay Tarriela, bandang alas-6:00 ng umaga nang lumapit ang barkong CCG-3302 sa BRP Datu Dumangsil sa layong humigit-kumulang 50 metro bago ito binomba ng water cannon nang mahigit dalawang minuto.
Bukod dito, nagsagawa rin umano ng dangerous maneuver ang CCG-21579 matapos itong tumawid sa unahan ng BRP Datu Paiburong.
Sa kabila ng insidente, matagumpay na naipamahagi ng BFAR ang fuel subsidy at food packs sa mga Pilipinong mangingisda habang ipinagpatuloy naman ng BRP Datu Sumakwel ang pagpapatrolya at resupply operations.
Nagpalipad din ang PCG ng Cessna Grand Caravan upang magsagawa ng maritime domain awareness flight sa lugar. Habang nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, niradyuhan umano sila ng mga awtoridad ng China.
Sa isinagawang monitoring, namataan sa lugar ang ilang barko ng China Coast Guard, Chinese Maritime Militia, at People’s Liberation Army Navy.
Ayon kay Tarriela, nananatili sa Bajo de Masinloc ang tatlong barko ng PCG, apat na barko ng BFAR, at ang M/V Mamalakaya upang ipagpatuloy ang kanilang operasyon sa kabila ng presensya ng siyam na barko ng China Coast Guard at isang Chinese Maritime Militia vessel sa lugar.
(JESSE RUIZ)
92 