11 LALAWIGAN SIGNAL NO. 1 SA TD KIYAPO

INILAGAY na sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ng state weather bureau ang 11 lalawigan nitong Huwebes ng umaga habang papalapit ang Tropical Depression Kiyapo sa hilagang dulo ng Luzon, para makapaghanda ang mga lugar na posibleng maapektuhan ng mga pag-ulan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Saklaw ng nasabing babala ang Batanes; Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands; Isabela; Apayao; Abra; Kalinga; gitna at silangang bahagi ng Mountain Province; silangang bahagi ng Ifugao; Ilocos Norte; hilagang bahagi ng Ilocos Sur; at hilagang bahagi ng Aurora.

Inaasahang lalakas si Kiyapo bilang tropical storm pagsapit ng Biyernes, Hulyo 24, bago dumaan nang napakalapit sa hilagang-silangang bahagi ng mainland Cagayan sa umaga o hapon. Maaari itong dumaan malapit o mag-landfall sa Babuyan Islands sa hapon o gabi.

Ayon sa PAGASA, Signal No. 2 ang posibleng pinakamataas na babalang itataas habang tumatawid ang bagyo. Gayunman, hindi inaalis ang posibilidad na lumakas pa ito bilang severe tropical storm bago tumawid sa extreme Northern Luzon.

At posible rin ang landfall sa mainland Cagayan kaya patuloy ang paalala ng Office of Civil Defense (OCD) sa publiko na mag-ingat, maghanda, at tumutok sa lagay ng panahon at sa mga abiso ng awtoridad ngayong panahon ng tag-ulan dulot ng Bagyong Kiyapo at Habagat (Southwest Monsoon).

Ayon kay PAGASA weather specialist Chenel Dominguez, “We have raised Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 with a 36-hour lead time before the strong winds brought by Typhoon Kiyapo are felt, to allow everyone time to prepare.”

Dakong alas-4 ng madaling araw nitong Huwebes, namataan si Kiyapo sa layong 950 kilometro silangan ng Central Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 55 kph habang kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph.

Magdadala ng mga pag-ulan ang trough o extension ng bagyo sa Bicol Region, Eastern Visayas at Romblon. Samantala, nakaaapekto ang southwest monsoon o Habagat sa Mindanao, nalalabing bahagi ng Visayas, Occidental Mindoro at Palawan.

Inaasahan ang malalakas na hangin at katamtaman hanggang matinding pag-ulan sa malaking bahagi ng Northern Luzon sa Biyernes at Sabado.

Posibleng makaranas ng malakas hanggang matinding pag-ulan ang Cagayan at Apayao sa Biyernes, habang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ang inaasahan sa Batanes, Isabela, Kalinga, Abra at Ilocos Norte.

Sa Sabado, maaaring makaranas ng malakas hanggang matinding pag-ulan ang Apayao, Ilocos Norte at Ilocos Sur. Katamtaman hanggang malakas na pag-ulan naman ang inaasahan sa Batanes, Cagayan, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet at La Union.

Magdadala rin ang Habagat ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Zamboanga Peninsula, mga lalawigan ng Lanao, Maguindanao del Norte, Sultan Kudarat, Sarangani at Negros Oriental sa Huwebes; Antique at mga lalawigan ng Negros sa Biyernes; at Antique at Occidental Mindoro sa Sabado.

Maaari ring makaranas ng kalat-kalat na pag-ulan ang nalalabing bahagi ng Northern at Central Luzon dahil kay Kiyapo. Magdadala naman ng mga pag-ulan ang Habagat sa nalalabing bahagi ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao.

Nagbabala ang PAGASA sa mataas na panganib ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa maraming bahagi ng bansa. Maaaring mas malakas ang ulan sa matataas at mabundok na lugar, habang ang mga naunang pag-ulan ay posibleng magpalala sa panganib ng pagbaha at landslide sa ilang area.

(JESSE RUIZ)

103

Related posts

Leave a Comment