May kakayahang magpondo – Kabataan CHA-CHA PAKANA NI MARCOS JR.

(BERNARD TAGUINOD)

PINANGALANAN ng grupo ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nasa likod ng Charter change (Cha-cha) na bagama’t economic provisions lang ang ipinalabas na aamyendahan ay posibleng galawin maging ang political provisions para sa term extension ng mga politiko.

Ginawa ni Kabataan party-list executive vice president Louise Co ang pahayag matapos kumpirmahin ni Albay Rep. Joey Salceda ang isiniwalat ng mga ito na timeline sa Cha-cha sa pamamagitan ng People’s Initiative.

“Mula sa pagkumpirma sa timeline, lumilitaw na marching order galing sa Malacañang ang pakanang Cha-cha. Si Marcos Jr. lang ang kayang magpondo at mamuno sa ganitong pulitikal na operasyon bilang may kontrol sa poder ng estado at balon ng nakaw na yaman,” ani Co.

Unang sinabi ni Manuel na regalo umano ng Kongreso kay Marcos ang Cha-cha sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) nito kaya tatapusin ito at titiyakin na magkaroon ng plebisito sa Hulyo 8.

“I know that July is the timeline. I confirm that,” ani Salceda kung saan idinagdag nito na: “that’s not the point (na regalo ito kay Marcos). The point is reasonably actionable that theres enough time before 2025 national election”.

Gayunpaman, sinabi ni Co na ang pagkumpirma ni Salceda ay patunay na si Marcos ang nasa likod ng Cha-cha upang makapasok na ang investors na nangako sa kanya sa kanyang mga biyahe sa iba’t ibang bansa.

“Tumpak din na pagkaupo sa pwesto, lipad nang lipad si Marcos Jr. para manlimos ng investments sa ibang bansa,” ani Co. Lalo aniyang luminaw ang kanilang suspetsa dahil sa pag-amin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na inatasan sila ng Pangulo na pangunahan ang Cha-cha para amyendahan ang mga economic provision.

Kaya hindi aniya nakapagtataka na biglang lumambot ang Senado mula sa ilang dekadang anti-Cha-cha na tindig ay gumagalaw na sa isang kumpas ang Senado at Kamara.

Ani Co, ang economic amendments ay magbubukas ng yaman ng bansa sa 100% na pag-aari at pandarambong ng dayuhang negosyo.

“Marcos Jr.’s agenda aims to raise the profit margins of foreign monopolies in order to redeem his family name in front of the international community and secure his hold on power. Pulling off this Cha-cha would be a trump card to fulfill his self-serving Marcosian mission,” dagdag pa nito.

Nauna nang sinabi ni Senador Imee Marcos na hindi kataka-takang maugnay ang pinsang si House Speaker Martin Romualdez sa tinaguriang “bribed intitiaves” o ang pangangalap ng lagda kapalit ng P100 o ayuda upang amyendahan ang 1987 Constitution.

Sa panayam kay Marcos nitong Linggo sa Super Radyo dzBB, sinabi nito na natuklasan na kasangkot ang staff ni Romualdez sa signature campaign kaya hindi nakapagtatakang ang lider ng Mababang Kapulungan ang nagsusulong ng “peoples’ initiatives.’

Bago nagtapos ang taong 2023 ay inihayag ni Romualdez na isusulong ng Kongreso ang pag-amyenda sa konstitusyon ngayong taon.

Cha-cha sa Senado

MAS pabor sina Senators Jinggoy Estrada at Nancy Binay na talakayin ng Senate Committee of the Whole ang panukalang pagbabago sa economic provision ng Konstitusyon sa halip na bumuo ng subcommittee.

Sinabi ni Estrada na mas maraming senador ang makakasali agad sa diskusyon kung Senate Committee of the Whole na pangungunahan ni Senate President Juan Miguel Migz Zubiri ang tatalakay sa Resolution of Both Houses No. 6.

Bukod dito, iginiit ni Estrada na wala pang sasama ang loob lalo’t hindi pa nila nakakausap ang chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendment na si Senador Robin Padilla.

Iginiit naman ni Binay na dapat maging malawakan ang pagtalakay sa ipinapanukalang Cha-cha upang matiyak na maayos ang pagkakabalangkas ng mga pagbabago.

Naniniwala naman si Binay na mahabang proseso pa ang tatahakin ng Cha-cha dahil kinakailangan itong dumaan sa proseso at hindi dapat minamadali.

Sa kabilang dako, tiwala ang dalawang senador na magiging limitado lamang sa economic provisions ang isusulong na pagbabago sa konstitusyon.

(DANG SAMSON-GARCIA)

113

Related posts

Leave a Comment