ATONG ANG: IMBESTIGASYON SA MGA NAWAWALANG SABUNGERO, IBALIK SA CIDG

IGINIIT ni Charlie “Atong” Ang sa Department of Justice (DOJ) na ibalik sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang imbestigasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sa kanyang sinumpaang affidavit na isinumite sa DOJ, hiniling ni Ang, sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Gabriel Villarreal, na ang CIDG ang muling magsagawa ng imbestigasyon para matiyak na ito ay maayos at walang kinikilingan.

Ayon kay Villarreal, isang mapagkakatiwalaang reinvestigation ng pulisya ang magbibigay-daan sa mas maayos na case build-up ng DOJ panel — na magiging katanggap-tanggap sa lahat ng panig na sangkot sa kaso.

Kasama ang kanyang legal team, personal na nagtungo si Ang sa DOJ para isumite ang kanyang counter-affidavit na kumokontra sa lahat ng kaso na inihain laban sa kanya ni self-proclaimed whistleblower Julie “Dondon” Patidongan.

Giit ni Villarreal, inosente si Ang sa lahat ng paratang at si Patidongan umano ang tunay na nasa likod ng karumal-dumal na krimen.

Ayon pa sa abogado, tahimik na nakapasok sa DOJ building si Ang nang hindi napapansin ng media. “Nandito si Mr. Ang hindi lang para isumite ang sarili sa legal na proseso kundi para pabulaanan ang malisyosong tsismis na umalis na siya ng bansa,” ani Villarreal.

(PAOLO SANTOS)

24

Related posts

Leave a Comment