PARA madagdagan pa ang kakayahan ng mga Valenzuelano Barangay Health Workers (BHWs), nagsagawa ang Valenzuela City Health Office, sa pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ng pagsasanay sa Barangay Health Service (BHS) NC II.
Umabot sa 150 BHWs na hinati sa limang batch, ang sumailalim sa malawakang pagsasanay, lectures, at demonstrasyon mula Oktubre hanggang Disyembre noong nakaraang taon sa BHS NC II ng TESDA, na naglalayong madagdagan ang kanilang kaalaman at kasanayan sa mga tuntunin ng lokal na pamamahala sa larangan ng serbisyong pangkalusugan.
Ang ilang mga kasanayan na nakuha ng mga BHW mula sa maikling kurso ay ang basic first aid, pagtatrabaho sa loob ng balangkas ng pagpapaunlad ng komunidad, pagpapatupad ng promosyon ng kalusugan at mga interbensyon sa komunidad, at agarang pagtugon sa mga sitwasyong pang-emergency, bukod sa iba pa.
Matapos makumpleto ang training course, ang mga BHW ay tinasa ng mga kawani ng TESDA, at sinukat kung sila ay karapat-dapat para sa NC II Certification.
Sa kanyang mensahe, ipinagmalaki ni Mayor Wes Gatchalian ang BHWs trainees dahil 100% ang pumasa sa TESDA assessment at ibinahagi rin ng alkalde ang kanyang mga plano sa hinaharap para sa mga BHW.
“Sa ating ALS Building sa Parada, ay pinapa-renovate ko po dahil gusto ko na pong magkaroon ng permanenteng eskwelahan para sa mga BHW, hindi lang para sa Valenzuela kundi pang buong Pilipinas.” ani Mayor Wes.
(GUILLERMO OCTAVIO)
157