P23-M DROGA SA FOOD DELIVERY BOXES NASAMSAM NG NBI

TINATAYANG P23-milyong halaga ng umano’y shabu at imported marijuana o kush ang nasamsam ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Southeastern Mindanao Regional Office (NBI-SEMRO) sa isang repacking at distribution hub sa Davao City noong Linggo ng madaling araw.

Ayon sa ulat ni NBI Director Jaime Santiago, nagsagawa ng anti-drug operation ang NBI-SEMRO XI, sa pamumuno ni Regional Director Atty. Arcelito Albao, bandang alas-5:00 ng madaling araw noong Hunyo 8, 2025, sa isang residential unit sa Cabantian, Davao City kung saan inire-repack umano ang mga ilegal na droga, matapos makatanggap ng impormasyon.

Nasamsam sa nasabing operasyon ang 4.885 kilo ng kush na may street value na P5.86 milyon, at 1.575 kilo ng shabu na P17.325 milyon ang halaga, na nakalagay sa food delivery boxes.

Kabilang din sa nasamsam ang imported cannabis-based products na kinabibilangan ng Boutique Switch V3 HCT concentrates, Kaws Exotic and Cereal Edition packages, Packwoods X Runtz vape pens, Bored Hash Headibles, Big Chief Guava live resin at Sluggers Hit Disposables.

Isinagawa ang nasabing operasyon sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region XI at barangay officials sa lugar.

(RENE CRISOSTOMO)

5

Related posts

Leave a Comment