PUMALAG SA RAPE, APO TINUTUKAN NG BARIL NI LOLO

RIZAL – Arestado ang isang lolo matapos nitong tutukan ng baril ang apong babae nang tumanggi itong makipagtalik sa kanya, sa Sitio Labong, Brgy. Halayhayin sa bayan ng Pililla sa lalawigan noong Sabado ng gabi.

Kinilala ni PCol. Felipe Maraggun, provincial director ng Rizal Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Enteng,” 66, step-grandfather ng biktima na kinilalang si alyas “Shane,” 18, ng nabanggit na lugar.

Ayon sa imbestigasyon, lasing umano ang suspek nang yayain nito ang kanyang step-granddaughter na tabihan siyang matulog at inalok pa na bibigyan ito ng P2,000 kapalit ng pakikipagtalik.

Nang tumanggi ang biktima, agad na hinugot ng suspek ang baril na nakasukbit sa bewang nito at itinutok sa apo at nagbantang papatayin kapag nagsumbong sa kanyang ina.

Kumaripas ng takbo ang biktima at isinumbong ang insidente sa kanyang ina na agad namang tumungo sa Pililla Municipal Police Station para humingi ng saklolo.

Nagsagawa naman agad ng operasyon ang mga awtoridad at inaresto ang suspek na nakumpiskahan ng baril.

Nasa Pililla Municipal Police Station custodial facility na ngayon ang suspek habang pinoproseso ang mga kasong isasampa laban sa kanya partikular na ang paglabag sa Art. 282 o grave threats, at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na may kaugnayan sa Batas Pambansa Bilang 881 ng Omnibus Election Code of the Philippines.

(NEP CASTILLO)

9

Related posts

Leave a Comment