CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NANGAKO na naman ang Presidente.
Sa ginanap na seremonyal na palay harvesting at pamamahagi ng iba’t ibang tulong sa Brgy. Mandili sa Candaba, Pampanga, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi makararanas ng gutom ang mga Pinoy sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Aniya, walang Pilipinong maiiwang gutom sa Bagong Pilipinas na isa sa mga inaasam ay mabigyan ng sapat na suporta ang mga magsasaka at magkaroon ng makabagong kaalaman sa agrikultura.
Pinuri rin ni Marcos ang mga magsasaka sa kanilang dedikasyon, sakripisyo at pagsusumikap, na dahilan sa pagtaas ng produksyon noong 2023.
Ayon kay Marcos, nakapagrehistro ang bansa ng record-high 20 million metric tons ng bigas nitong huling taon, na 1.5 porsiyentong mas mataas sa produksyon ng bigas sa parehong panahon noong 2022.
Ganun pala kaya naman matatamis na mga kataga ang isinukli ng Pangulo sa mga nagbubungkal ng lupang sinasaka.
Mabulaklak nga ang tinuran niya “ang mga kamay – na masigasig na nagbubungkal ng lupa – ang nagbibigay ng buhay at sigla sa sambayanan.”
Tatak BBM. Purihin ang dapat purihin, tapos magpapramis.
Tumaas nga produksiyon ng bigas pero, teka, tumaas din ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakaranas ng involuntary hunger, o yaong nakaramdam ng gutom at walang kahit anong makain ng kahit minsan lang sa nakalipas na tatlong buwan.
Sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), ang kagutuman ay tumaas mula sa 9.8 percent noong Setyembre 2023 sa 12.6 percent noong Disyembre 2023.
Tumaas ang bilang ng produkto pero aasa pa rin sa pag-angkat sa ibang bansa.
Kaya ‘yang walang maiiwang gutom ay halusinasyon lang ng gutom na pangarap.
Kapareho lamang ito ng pangakong P20 kada kilo ng bigas na ang kinahinatnan ay lagpas pa sa doble ang presyo.
Kung nailapit man lang sana ni Pangulong Marcos ang presyo ng bigas sa kanyang pangako ay hindi siya pagdududahan. Kaso maski tanaw ay hindi mo maaninag ang katuparan sa ngayon.
Hindi na panahon ng kampanya. Ang gustong makita ng sambayanan ay totoong solusyon sa mga problema. Ang daming dapat asikasuhin at ayusin na malulutas sa gawa, hindi sa ngawa.
Hindi na matatakpan ng pabango ang singaw ng kumakalam na sikmura.
Ang pangako ay tinutupad. Kung ang mga naunang pramis ay napanis, mas maiging huwag nang mangahas pang muli na mangako.
Dahil ang pangako ay isa nang pambobola.
336