PI handang buhayin kapag binasura eco Cha-cha KAMARA AYAW TANTANAN PAGKALIKOT SA KONSTITUSYON

(BERNARD TAGUINOD)

TULOY sa planong pag-amyenda sa Konstitusyon ang Mababang Kapulungan ng Kongreso kaya handa itong buhayin ang isinantabing People’s Initiative sakaling hindi ipasa ng Senado ang bersyon nila ng economic Charter change.

Ayon sa isang lider ng Kamara, ibalik na lang ang People’s Initiative kung ayaw ng mga senador sa economic Cha-cha.

Ngayong araw ay nakatakdang ipasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 na sasabayan ng malakihang kilos protesta ng anti-Cha-cha group sa Batasan Pambansa.

Gayunpaman, hindi pa tapos ang pagdinig ng Senado sa kanilang RBH No. 6 taliwas sa pangako ng liderato nito na ipapasa ito bago ang Lenten Break na magsisimula sa Marso 23.

“Kung akong tatanungin niyo, you really need people’s initiative kung ang ginagawa niyo ay hindi totoong Cha-cha,” ani House deputy majority leader Janette Garin sa press conference kahapon sa Kamara.

Magugunita na nakakalap na ng lagda ang grupong PIRMA para amyendahan ang 1987 Constitution subalit isinantabi ito matapos mangako ang Senado na ipapasa ang kanilang bersyon sa eco Cha-cha.

Upang mas mapadali, nagpasa ang Kamara ang kahalintulad na bersyon sa loob lamang ng isang buwan.

“Kung talagang ayaw ng Senado gumalaw, ibalik natin sa people’s initiative dahil kami, ang mga senador pareho kaming wala dito kung wala ang boses ng taumbayan,” paliwanag ng mambabatas.

Samantala, hindi mananahimik bagama’t aminado ang Makabayan bloc na matatalo sila sa botohan sa RBH No. 7.

Kaya naman tuloy ang kampanya nito laban sa Cha-cha.

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, malabo nang matalo ang RBH 7 dahil noong ipasa ito sa ikalawang pagbasa ay lumalabas na anim lamang silang kumontra dito habang ipinagmamalaki ng liderato ng Kamara na 283 congressmen ang author ng nasabing resolusyon na sapat na para sa kinakailangang 2/3 votes.

Samantala, kinontra ni Senate subcommittee on Constitutional Amendments Chairman Sonny Angara si House Majority Leader Mannix Dalipe sa pahayag na ididiretso nila sa Comelec ang Resolution of Both Houses no. 7 oras na ipasa ng Kamara.

Sinabi ni Angara na hindi sa Comelec kundi sa Senado dapat ipadala ng Kamara ang kopya ng aaprubahang resolusyon para sa Charter change.

Iginiit ng senador na sa kanyang pagkakaunawa, batay sa proseso ng bicameral system ng Kongreso ay dapat na isumite sa kabilang kapulungan ang anomang resolusyon o panukalang batas na inaprubahan ng Senado o Kamara.

Nangangahulugan ito na anomang resolusyon o panukala na pagtitibayin ng Kamara ay dapat i-transmit sa Senado at hindi sa Comelec.

Taliwas naman sa pagmamadali ng Kamara sa pagsusulong ng economic Charter change, sinabi ni Angara na muli silang magsasagawa ng pagdinig sa panukala sa pagtatapos na ng Holy Week break.

Iginiit ni Angara na inuna nilang talakayin at aprubahan ang LEDAC bills bago mag-session break sa March 23.

Para naman sa Comelec, sinabi ni Chairman George Erwin Garcia na pag-aaralan nito ang plano ng Kamara.

Nang tanungin si Garcia kung hihintayin na tapusin na maipasa ang Cha-cha measures, sinabi nito na bahagi ito ng kanilang pag-aaral.

(May dagdag na ulat sina DANG SAMSON-GARCIA, JOCELYN DOMENDEN)

105

Related posts

Leave a Comment