KINUMPIRMA ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero na ipinatigil nila ang konstruksyon ng bagong gusali ng Senado sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Kasama rin sa ipinatigil ang pagbabayad sa mga bayarin sa mga contractor.
Sa kanyang talumpati sa flag ceremony sa harapan ng mga empleyado, sinabi ni Escudero na hindi rin matutuloy ang paglilipat nila ngayong taon o kahit sa susunod pang taon.
Sinabi ni Escudero na rerepasuhin muna nila sa pangunguna ni Senate committee on accounts chairman Alan Peter Cayetano ang lumaking pondo para sa konstruksyon ng bagong Senate building.
Mula kasi anya sa P8.9 billion umakyat ito sa P13 billion at ngayon ay kailangan pa ng dagdag na P10 bilyon.
“Nagulantang lang ako sa halaga, di ba kagula-gulantang ang P13 bilyon, mas nakakagulantang ang P23-B para sa isang opisina lamang,” pahayag ni Escudero.
“Wala akong binibitiwang akusasyon laban kanino man subalit nagulat lang ako at di magaan na tanggapin ko bilang tagapangulo ng Senado na gumastos ang pamahalaan mula sa kaban ng bayan ng ganito kalaki kaya ang magiging layunin namin tiyakin kung ito ba ang pangangailangan at paano ito mapapababa,” dagdag pa ng Senate leader. (DANG SAMSON-GARCIA)
166