BANGKAY na nang matagpuan ang nawawalang tripulante ng lumubog na oil tanker na MT Terra Nova sa karagatan ng Limay, Bataan.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nakitang palutang-lutang ang labi ng nawawalang second mate ng MT Terra Nova matapos ang inilunsad na search, rescue or retrieval operation ng BRP Melchora Aquino.
Samantala, patuloy na binabantayan ng PCG at DENR ang lugar na kinalubugan ng oil tanker na may lulang 1.4 million liters ng industrial fuel. Tatlong barko ang idineploy ng PCG para sa oil spill response operation sa Bataan.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gavan, maglalagay na ng oil dispersants upang maiwasan ang malawakang pagtagas ng langis habang inihahanda ang siphoning para sa kargang bunker fuel na target na matapos sa loob ng pitong araw .
Napag-alamang nasa 34 na metro lamang ang lalim ng pinaglubugan ng barko kaya’t inaasahang magiging madali lang ang proseso sa paghigop ng karga nitong industrial oil upang maprotektahan ang karagatan ng Bataan at Manila Bay.
Ayon kay PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, pinangangambahang umabot sa baybayin ng Maynila ang oil spill sakaling tumagas ang 1.4 million liters ng langis mula sa lumubog na MT Terra Nova.
Una nang inatasan ni Pangulong Bongbong Marcos ang kinauukulang mga ahensya ng gobyerno na gawan ng paraan na huwag nang lumala ang pagtagas ng langis mula sa lumubog na oil tanker.
Sa ginanap na situation briefing, pinakikilos ng pangulo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magsagawa ng assessment hinggil sa maaaring environmental impact ng oil spill.
(JESSE KABEL RUIZ)
198